Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na tunay ang kumakalat na larawan sa online na kasama niya ang mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya. Paglilinaw niya, kuha ang larawan noong Abril 2025, at iyon ang unang pagkakataon na nakita niya ang dalawa.

“I did not know the Discayas and that was the first and only time outside of the Blue Ribbon committee hearings that I met them. That meeting took around 15-20 minutes but not before that group photo was taken," saad ni Lacson sa isang pahayag nitong Miyerkoles.

Sinabi rin ni Lacson, chairman ng Senate blue ribbon committee na nagsisiyasat sa katiwalian sa paggamit ng pondo sa flood control projects, na kuha ang larawan noong huling linggo ng Abril na malapit nang matapos ang kampanya sa nagdaang halalan.

Aniya, isang campaign supporter mula sa Davao City na si Fred Villaroman, na ang ama ay dating pinuno ng security detail ng dating pangulo at mayor na si Rodrigo Duterte, ang nagdala sa kaniyang tanggapan sa Taguig City sa anak ng mag-asawang Discaya.

Ayon pa kay Lacson, inimbitahan siya na dumalo sa isang “grand rally” sa isang lalawigan sa Davao kung saan kandidatong kongresista ang nakababatang Discaya.

“Anyway, I begged off—first, out of respect for my friend [Senate President] Tito Sotto whose nephew, Mayor Vico Sotto, was running against Mrs. Discaya for the mayorship of Pasig City, and second, there were other party-list groups who were including my name in their sample ballots and I thought it was not a smart political decision to join a rally of any party-list group,” paliwanag ni Lacson.

"I hope this clarifies whatever insinuations are being attached to this said photograph," dagdag niya.

Kabilang ang mag-asawang Discaya na sina Curlee at Sarah sa mga iniimbestigahan tungkol sa kontrobersiyal na flood control projects.

Isinailalim sila sa protective custody ng Witness Protection Program ng Department of Justice’s (DOJ), kasama ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza.

Nilinaw ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, na hindi pa sila ikinukonsiderang mga state witness. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News