Tinukoy ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Miyerkoles ang “fault” na naging sanhi ng 6.9 magnitude na lindol sa Cebu nitong Martes ng gabi na naging sanhi ng pagkamatay ng mahigit 60 tao.
Sa ulat ng GMA Regional TV News, sinabing batay sa tala ng Joint Operation Center sa Bogo City, umabot na sa 69 katao ang nasawi dahil sa lindol.
Lima ang nasawi sa Tabogon, 22 sa San Remigio, 10 sa Medellin, isa Sogod, isa sa Tabuelan, at 30 sa Bogo City. Umabot naman sa 186 ang sugatan.
Sa isang press conference, sinabi ni PHIVOLCS Seismological Observation and Earthquake Prediction Division chief Dr. Winchelle Ian Sevilla, na isang offshore fault (nasa ilalim ng dagat) na hindi gumalaw sa epicenter sa loob ng hindi bababa sa 400 taon ang naging dahilan ng lindol na naitala ang sentro sa lungsod ng Bago.
“At least in the last 400 years, iyong pong fault na nag-generate dito ngayon lang po ulit siya gumalaw. So medyo matagal po siya gumalaw kaya siya medyo malakas. Based po ito sa ating catalogue,” ani Sevilla.
“Sa ngayon po tinatawag nating 'offshore fault' kasi po nasa dagat. Kaya po tayo nag-deploy ng quick response team para lubos po nating maunawaan...Sa ngayon, wala pa pong pangalan,” dagdag niya.
Ayon sa PHIVOLCS, ang Cebu at mga karatig na probinsya ay nasa isa sa mga seismically active region sa bansa.
Bukod sa mga pinanggagalingan ng lindol gaya ng Bogo Fault, Daanbantayan Lineament, at Cebu Fault System, binanggit din ng PHIVOLCS na may mga “local inland and offshore faults, some concealed by recent deposits, capable of generating earthquakes ranging from minor to strong magnitudes.”
Ayon pa sa PHIVOLCS, may hindi bababa sa walong lindol na may lakas na 5.0 hanggang 7.2 magnitude ang tumama sa Cebu at mga karatig-probinsya mula 1885 hanggang 2013.
Kabilang dito ang lindol na may magnitude 6.9 na tumama sa Negros Oriental noong Pebrero 6, 2012 at ang magnitude 7.2 na lindol sa Bohol noong Oktubre 15, 2013. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News
