Iprinoklama na ng national board of canvassers (NBOC) ng Commission on Elections (Comelec), ang tatlong party-lists group bilang nanalo sa nakaraang 2025 May elections, at kapalit sa diniskuwalipikang Duterte Youth party-list group na may tatlong upuan sana sa Kamara de Representantes.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, uupong kinatawan sa Kamara ang tig-isang representante mula sa Abono party-list, Ang Probinsyano party-list at Murang Kuryente party-list.
Ang tatlong kinatawan mula sa nasabing tatlong party-list group ang kapalit sa uupo sanang tatlong kinatawan mula sa Duterte Youth party-list makaraang pumangalawa ang kanilang grupo sa nakaraang May elections na nakakuha ng pinakamaraming boto.
Pero kamakailan lang, naglabas ang Comelec ng certificate of finality and entry of judgment sa pagdiskuwalipika sa Duterte Youth party-list dahil walang temporary restraining order [TRO,] o utos mula sa Korte Suprema (SC) upang pigilin ang pagbasura ng komisyon sa kanilang akreditasyon bilang party-list group.
“Ipoproklama namin ngayong hapon ang number one nominees ng Abono party-list, Ang Probinsyano party-list, Murang Kuryente partylist,” ani Garcia.
“Ang mga nominees ay papalit sa tatlong supposed seats ng Duterte Youth sapagkat naging final and executory ang decision ng commission en banc laban sa kanila,” dagdag niya.
Tinanggap nina Abono first nominee Robert Raymond Estrella, Ang Probinsyano first nominee Alfred Co delos Santos, at Ang Murang Kuryente first nominee Arthur Yap ang certificates of proclamations para sa kani-kanilang grupo sa isinasagawang seremonya sa Comelec Office sa Intramuros, Manila.
“Ang ginawa ng NBOC, bumaba kami sa tatlo consistent sa ginawa namin sa kaso ng An-Waray,” ani Garcia.
Una rito, nagdesisyon ang Comelec en banc na pawalang-bisa sa rehistrasyon ng Duterte Youth party-list mula sa simula (void ab initio), dahil sa kabiguang sundin umano ang mga rekisitos ng publikasyon at pagdinig kaugnay ng kanilang kandidatura noong 2019.
Natuklasan din na may iba pang mga dahilan para kanselahin ang rehistrasyon ng Duterte Youth, kabilang ang hindi umano pagbibigay ng totoong pahayag sa kanilang petisyon, lalo na sa kuwalipikasyon ng kanilang mga nominado, at iba pang usapin.
Noong Setyembre 3, humiling ang Duterte Youth sa SC na maglabas ng TRO upang hadlangan ang Comelec sa pagpapatupad ng desisyon nito na ibasura ang kanilang akreditasyon bilang ng party-list group.-- mula sa ulat ni Sundy Locus/FRJ GMA Integrated News

