Sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing namataan ang uka sa lupa malapit sa kanilang mga bahay sa Purok Siniguelas sa Barangay Poblacion.
“Nu’ng paglindol lang… Doon lang namin nalaman noong pag-evacuate namin kasi nahulog dun ‘yung pinsan ko,” sabi ni Henry John Sinanggote, residente sa Barangay Poblacion.
“Kaming lahat ng taga-roon, wala na kasi kaming balak pununta roon kasi parang hindi na safe ‘yung lugar… Gusto lang naming pasuri kung sinkhole ba ‘yun,” dagdag ni Sinanggote.
Lumitaw umano ang uka isang araw matapos yanigin ng magnitude 6.9 na lindol ang Cebu nitong Martes. Isang motorsiklo na ang nahulog.
Isa pang kaanak ni Sinanggote ang nalaglag din sa uka pero nakaligtas.
Patuloy na sinusubukan ng GMA Integrated News na makuha ang paliwanag ng mga awtoridad tungkol sa hukay. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News
