Arestado ang isang negosyante sa Tondo, Maynila dahil sa pagbebenta umano ng mga non-food relief packs na may tatak ng DSWD at para dapat sa mga biktima ng mga kalamidad sa bansa.
Sa ulat ni John Consulta sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing isinagawa ang entrapment matapos makakuha ng impormasyon ang mga awtoridad na nagkakabentahan umano ng non-food relief packs.
Binentahan umano ng negosyante ng libu-libong family clothing kit na may logo ng DSWD ang isang undercover agent ng Criminal Investigation and Detection Group - National Capital Region (CIDG - NCR).
Pagkakuha ng senyas, dinakip ng mga taga-CIDG ang negosyante, na nagbibilang pa noon ng pera sa isang warehouse.
“Umabot ‘yung negotiation namin ng more than P15.5 million for the 6,000 pieces. ‘Yung box is DSWD may Bagong Pilipinas, nakalagay din diyan ‘Not for sale.’ So nagulat kami na may ganitong pangyayari considering ‘yung nangyari sa Cebu, ngayon sa iba pang lugar na tinamaan ng bagyo, Masbate, na mayroong naibebenta na ganito,” sabi ni Lieutenant Colonel John Guiagui, hepe ng CIDG- NCR.
Kalaunan, dumating din sa warehouse ang mga taga-DSWD upang suriin ang mga ibinibentang kits na naglalaman ng mga gamit gaya ng t-shirt, shorts, underwear, tsinelas at tuwalya at nakalagay sa plastik na kahon na may logo ng DSWD.
“Malinaw na malinaw na nakasulat sa kahon na ito ay hindi binebenta. So this is clearly a violation. Ito po ay intended only for disaster-related or disaster-affected individuals and families and it is not for sale. We will look into this and see kung ano ‘yung dahilan kung bakit nagkaroon ng bentahan o selling ng mga kits ng DSWD,” sabi ni DSWD Disaster Response Management Bureau OIC na si Cris Mathay.
“Disturbing ito. Why? Baka akala is gobyerno na 'yung nagbebenta nito sa individual na imbes dapat du’n sa mga naapektuhan ng disasters,” dagdag ni Guiagui.
Ayon naman sa dinakip na negosyante, matagal na silang supplier sa DSWD at wala umano silang intensyong masama. Sila rin ang nagmamay-ari ng supplies at hindi ang gobyerno.
“Regarding sa pagbebenta, no comment muna ako diyan. Pero legit supplier kami ng DSWD since 2020. At ito pong stocks na ito is excess po namin sa mga hindi po nila kinuha sa kontrata, hindi po nila pinurchase. So technically, hindi po ito pera ng gobyerno, pera po ng kumpanya namin ito,” sabi ng negosyante.
Nagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon ang CIDG.
Maaaring maharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Section 19 ng Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, at 179, o illegal use o misrepresentation ng logo o seal ng isang opisina ng gobyerno.
“Ang mga ganitong may markings ng DSWD, this is intended for disaster relief. Hindi ito binebenta, dapat ito po ay libre. Tandaan po natin ‘yan, kung ‘yan may nagbebenta o kayo ay bumili, may violation po kayo roon. So makukulong po kayo, may penalty po ‘yan,” paalala ni Guiagui. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News
