Tila nasa panig ni Viktorija Golubic ng Switzerland ang suwerte sa paghaharap nila ng Pinay tennis star na si Alexandra "Alex" Eala, matapos mamayani ang una sa iskor na 2-6, 6-2, 7-6(0), sa quarterfinals ng kanilang laban sa Suzhou Open WTA 125 noong Biyernes sa China.
Sa first set, walang hirap na kinabig ni Eala ang panalo. Ngunit bumawi naman at inangkin ni Golubic ang panalo sa second set.
Sa ikatlo at huling set, naging dikit na ang laban sa pag-asam nila na makapasok sa semifinals.
Maagang lumamang si Golubic ng 5-3, ngunit hindi kaagad sumuko si Eala na napanalunan ang susunod na tatlong laro para makalapit na sana sa panalo.
Nanguna si Eala sa iskor na 6-5, pero naipanalo ni Golubic ang kaniyang serve upang dalhin ang laban sa tiebreak.
Sa tiebreak, hindi nagawang mai-convert ni Eala ang anumang match point, hanggang sa makuha ni Golubic ang panalo.
Dahil sa naturang kabiguan, nagtapos ang kampanya ni Eala sa Suzhou Open, kung saan una niyang tinalo sina Katarzyna Kawa sa Round of 32 at Greet Minnen sa Round of 16.
– FRJ GMA Integrated News
