Tinawag na Malacañang na ''wishful thinking'' lang ni Senador Alan Peter Cayetano ang mungkahi ng huli na magkaroon ng snap election sa posisyon ng Presidente, Bise Presidente, at mga miyembro ng Senado at Kamara de Representantes.

''We do not have time to talk about one's personal desires. Abala ang Pangulo na magtrabaho para sa bayan at tulungan ang mga naapektuhan ng lindol at bagyo,'' ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro nitong Lunes.

''Wala po siyang oras sa mga ganitong klaseng pamumulitika. Mag-focus po tayong lahat sa pangangailangan ng mamamayan hindi sa mga pansariling interes lang,'' dagdag niya.

Una rito, pinalutang ni Cayetano ang mungkahi na magbitiw ang mga matataas na opisyal ng bansa dahil nawalan na umano ng tiwala ang mga mamamayan sa gobyerno.

"People have lost trust in government and government officials. Honestly, who can blame them,” ayon sa senador.

Kinontra rin ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III ang naturang mungkahi ni Cayetano na maaari umanong pagmulan ng "uncertainty and chaos."

Wala rin umanong legal na basehan ang panawagan ni Cayetano sa snap elections.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia, hindi maaaring magsagawa ang komisyon kung walang batas na nagtatakda na gawin ang naturang uri ng halalan. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News