Nasawi ang isang 31-anyos na food delivery rider matapos siyang barilin ng tatlong suspek na umagaw ng kaniyang cellphone sa Pasay City noong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News “24 Oras Weekend” nitong Linggo, lumabas sa imbestigasyon na naghatid ng pagkain ang biktima sa Barangay 190, Zone 20 sa Pasay City kung saan dinatnan siya ng mga awtoridad na nakabulagta sa tabi ng kaniyang motorsiklo.
“Nakatambay lang ‘yung mga suspek doon sa corner ng street na ‘yun. Kinuha nila ‘yung cellphone, kaya lang naagaw din ng victim. So nung maagaw ng biktima, dun na, binaril na nung mga suspek,” ayon kay Pasay Police chief Police Colonel Joselito De Sesto.
Nahuli-cam sa CCTV camera ang mga suspek habang tumatakas. Binalikan pa ng isang suspek ang kaniyang kasamahan na may dalang baril.
Ayon kay De Sesto, natukoy kinalaunan ang pagkakakilanlan ng dalawa sa tatlong suspek na dati nang nakulong.
“Bale itong mga suspects natin, nahuli na natin ‘yung dalawa last 2019. May kaso silang illegal possession of firearms tsaka illegal possession of drugs. Malamang hindi rehistrado ‘yung baril na ginamit,” anang opisyal.
Patuloy na tinutugis ang mga suspek na kakasuhan ng robbery with homicide. —FRJ GMA Integrated News
