Isang magsasaka ang naglabas ng saloobin sa pagdinig ng komite na isinagawa sa Kamara de Representantes na mistula silang pulubi. Kaugnay ito sa kalagayan ng kanilang sektor sa harap ng mababang presyo ng palay at ipinagkakaloob sa kanilang pinansiyal na ayuda ng pamahalaan bilang tulong na hindi umano nakatutulong upang umangat ang kanilang pamumuhay.
Inilahad ng magsasaka na si Danilo Bolos na mula sa Nueva Ecija sa isinagawang pagdinig ng House ng Committee on Agriculture and Food at Committee on Ways and Means, kaugnay sa kalagayan ng Executive Order (EO) 93, na nagsususpinde sa pag-angkat ng regular milled at well-milled rice sa loob ng 60 araw, simula noong September 1.
“Sadyang malungkot po ‘yung inaabot namin. Kaunti na lang po ‘yung kinikita, nalulugi po. Ramdam naman po namin lahat ‘yung ayuda na nanggagaling sa pamahalaan, tulad po nung binhi, iyon pong fertilizer, 'yung pong mga farm mechanization. Subalit, nagtataka po kami, bilyon-bilyon ang ginagastos ng pamahalaan...subalit, tuwing aani po kami, hindi naman po namin maramdaman ‘yung mga ipinamahagi ng pamahalaan," ayon kay Bolos.
"Ang presyo ng palay, andito po talaga iyong pagdurusa namin,” sabi pa niya ilang minute makaraang ihayag ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, sa pagdinig na makatatanggap ng P7,000 cash aid ang nasa isang milyong magsasaka sa panukalang P6.7 trillion budget para sa 2026.
“Bagamat kumakain po kami ng tatlong beses sa isang araw, e hindi naman po sapat 'yung aming kinikita. Papaano na po iyong pag-aaral ng aming mga anak? Kaya sana po, tulad nabanggit po kanina ni Speaker na magbibigay na naman po ng ayuda na halagang P7,000. E ang nangyayari po, para kaming pulubi. ‘Yung ayuda, hindi naman po talagang sapat para kami umahon. Ang mahalaga po sa amin talaga ay 'yung presyo lang ng palay, ‘yung aming produkto,” paliwanag ni Bolos.
Ayon kay Bolos, sa Nueva Ecija ay nagkakahalaga ang farm gate price ng palay sa P8 hanggang P10 per kilo lamang, na malayo sa production cost na P14 hanggang P15 per kilo.
Kinastigo niya ang Rice Tariffication law o Republic Act RA 11203, na nagpapahintulot ng walang limitasyon na pagpasok ng imported rice hanggang sa maglabas si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng Executive Order 93 para pigilin ito.
Ayon kay Bolos, dahil sa pagpasok ng mga imported rice, natigil sa pag-aaral ang mga anak ng ibang magsasaka para tumulong na rin sa pagsasaka ng kanilang mga magulang para mabuhay.
“Wala po talaga kaming ibang alam kundi itong pagtatanim ng palay o paggawa ng ating mga pagkain. Sana po, sa ganitong pagkakataon... tulad po 'yung RA 11203 po na ‘yan, iyan po ang sadyang nagpahirap sa amin. Marami na po sa mga kasamahan namin, iyong mga anak hindi na po nakapag-aral. Sila na po ang tumutulong sa magulang upang magsaka. Subalit, andun pa rin ang paghihirap,” pakiusap ni Bolos.
Ang ibang anak ng mga magsasaka, sinabi ni Bolos na umaalis na rin dahil sa hirap ng kanilang buhay.
“Umaalis na rin po ‘yung bata na amin sanang katuwang sa pagsasaka. Wala na rin po, umaalis na rin dahil nga sa sobrang hirap namin, sobrang hirap ng mga magulang. Sana po, sa pamamagitan ng hearing po na ito, mawakasan po sana ang aming paghihirap,” dagdag niya.
Nais ni Bolos na magkaroon ng floor price o price cap sa palay, na plano ng pamahalaan na ipatupad sa presyong P17 per kilo.
“Sa sobrang mahal po ng mga inputs, ng mga pestisidyo, hindi po talaga masusulit. Nangungutang po kami. Ang tubo po kada buwan, 3% kada buwan. Hindi naman po namin puwedeng asahan nang asahan itong mga lending conduit sa ating mga pamahalaan at napakahirap pong umutang dito. Ang dami pong hinahanap na kung anong-anong dokumento na para po kami makautang,” paliwanag pa ni Bolos.
“Sana po, pakiusap lang po sa inyo, Mr. Speaker, sana po, maisabatas na para naman umunlad ang buhay namin, ‘yung kung sinasabi nilang floor price [of palay]. Sana po matupad na po ito,” patuloy niya.
Humingi ng paumanhin si Dy sa kakulangan ng suporta ng pamahalaan, kasabay ng pangako na bibigyan nila ng prayoridad ang pangangailangan ng mga magsasaka.
“Unang-una po ay humingi kami ng paumanhin. Ang kagustuhan lamang po ng ating gobyerno ay matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga farmers. Pero hindi po naman nangangahulugan na mababa po ang aming pagtingin sa inyo,” pahayag ni Dy sa pagdinig.
“Mataas po ang respeto namin sa inyo. Kung wala po 'yung masisipag natin, farmers, hindi mabubuhay ang ating bansang Pilipinas. Kayo po ‘yung nagsasakripisyo. Kaya sa amin pong lalawigan ay tinuturing po namin kayo bilang mga magulang namin, dahil kayo po 'yung nagpapakain sa amin. Kaya mabuhay po kayo,” dagdag niya Dy.
Ayon kay Dy, titiyakin ng Kamara na tutugunan nila ang pangangailangan ng mga magsasaka, hindi lang sa mga programa ng Department of Agriculture kung hindi maging sa mga ipapasa nilang batas.
“Gagawin po namin ang lahat para matiyak na ang kapakanan ng bawat farmers dito po sa ating bansa, hindi lamang po sa larangan ng mga programa na hinahatid ng ating Department of Agriculture, kundi lalong-lalo na mapataas natin at maging maganda at maginhawa ang buhay ng bawat magsasaka,” pagtiyak ni Dy.
Sinabi naman ni House Committee on Agriculture and Food chairperson at Quezon Representative Mark Enverga, na bibigyan nila ng prayoridad ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law upang protektahan ang mga lokal na magsasaka mula sa walang limitsyon na rice importation. — mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News

