Nananatiling mataas ang presyo ng ilang gulay sa Trabajo Market sa Sampaloc, Maynila nitong Martes matapos maapektuhan ang suplay dahil sa pananalasa ng mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Danny Manuel, isang tindero ng gulay sa Trabajo Market, napansin niya na mataas pa rin ang presyo ng ilang gulay na hinango niya sa Divisoria sa Maynila.
“Hindi makababa 'yung mga truck sa Baguio. Nade-delay 'yung pagbaba nila kasi madulas daw," aniya.
"Siguro tumaas po mga P20 [ang presyo]," dagdag niya.
Ilan sa nakitaan ng pagtaas ng presyo ng gulay ang ampalaya, talong, pechay Tagalog, at patatas.
Maging sila nga raw na mga tindero ay namomroblema sa dagdag na gastos sa puhunan para sa mga gulay.
“'Pag tumaas po, sir, medyo mahirap din mamili o magbenta kasi 'yung ibang tao, naghahanap ng mura. Kaya 'yung mga iba, umiikot-ikot lang," ani Danny.
Bagamat mahal, mas mababa ang presyo ng ilang gulay sa Trabajo Market kumpara sa price monitoring ng Department of Agriculture kahapon.
Ang lowland vegetables tulad ng ampalaya, nasa P120 ngayon ang kilo.
Nasa P140 naman ang kilo ng talong at nasa P120 naman ang kamatis.
Ang mga highland vegetables naman tulad ng carrots, ilang buwan na raw nananatili sa P240 ang kilo.
Ang bell pepper, nasa P300 ang kilo; repolyo, nasa P70 ang kilo at patatas, nasa P120 ngayon ang kilo.
Sa kabilang dako, malaki naman ang ibinaba ng siling labuyo na nasa P250 ngayon ang bentahan ni Danny, mula sa P600 per kilo noong unang linggo ng Setyembre.
Umaasa naman ang mga tindero na bababa na ang presyo ng mga gulay sa darating na Nobyembre sa kabila ng banta ng mga posible pang bagyo na pumasok sa bansa ngayong taon. —KG GMA Integrated News

