Pinangalanan ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III nitong Martes ang mga senador na maaaring manungkulan bilang bagong chairperson ng blue ribbon committee matapos magbitiw sa puwesto si Senador Panfilo "Ping" Lacson.
Sa panayam sa Unang Balita nitong Martes, sinabi ni Sotto na maaaring isaalang-alang ang mga sumusunod na senador para maging chairman ng Senate blue ribbon committee:
- Senador JV Ejercito
- Senador Raffy Tulfo
- Senador Pia Cayetano
- Senador Francis "Kiko" Pangilinan
- Senador Risa Hontiveros
“Sigurado, para sa akin, kung sino ang rekomendasyon ni Senator Lacson would have a very strong edge over anybody else,” sabi ni Sotto.
“So pag-uusapan namin. As a matter of fact, I called a caucus bukas ng tanghali, kaming mga members ng majority, para pag-usapan itong nangyari sa resignation ni Senator Lacson,” dagdag niya.
Nagbitiw si Lacson noong Lunes bilang chairman ng blue ribbon committee sa gitna ng patuloy na pagsisiyasat ng panel sa katiwalian sa flood control projects.
Sa isang liham niya kay Sotto, binanggit ni Lacson na hindi umano nagugustuhan ng iba pang senador ang "direksyon" ng legislative inquiry sa umano'y maanomalyang flood control projects.
"In the course of the current investigation, which has implicated some senators in the flood control mess, a number of our colleagues have expressed disappointment with the 'direction' of the Blue Ribbon Committee, which this representation chairs," ani Lacson.
"Furthermore, some senators publicly and secretly pursue the narrative that I am zeroing in on several of my colleagues while purportedly protecting those members of the Lower House perceived to be the principal actors in the budget anomalies related to the substandard and ghost flood control projects," sabi pa niya.
Ayon kay Sotto, sinubukan niyang kumbinsihin si Lacson na manatili bilang blue ribbon committee chairperson ilang araw bago siya maghain ng resignation.
“This resignation letter is a notice of leave. Hindi ito asking permission. Kung asking permission, puwede nating pag-usapan sa plenaryo o kaya ako as Senate President. Pero ito desidido siya,” sabi ni Sotto.
"Sinusubukan ko na ng dalawang araw. Hindi pa siya nagsa-submit ng sulat noon kaya sinusubukan ko. Pero itong pagkaka-submit niyang ito, palagay ko hindi na natin kayang kumbinsihin.”
Sinabi ni Sotto na miyembro pa rin ng komite si Lacson sa kabila ng kaniyang pagbibitiw bilang chairperson.
Samantala sa isang ambush interview, nang tanungin kung sino ang gusto niyang mamuno sa blue ribbon committee, sinabi ni Senator Jinggoy Estrada na maraming kuwalipikadong senador, ngunit partikular niyang pinangalanan si Pia Cayetano.
“There’s Senator Pia Cayetano who once held the chairmanship of the blue ribbon committee. She being a member of the majority,” sabi niya.
Sinabi ni Estrada na nakasalalay sa bagong chairman ang panawagan para ipagpatuloy ang mga pagdinig ng komite. —VBL GMA Integrated News

