Timbog ang isang abogada dahil sa pag-aalok ng investment at hindi na magpapakita kapag natanggap na niya ang pera sa Timog Avenue, Quezon City.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang pagsilbi ng warrant of arrest sa akusado sa tapat ng isang restaurant Miyerkoles ng gabi.

Sangkot siya umano sa investment scam at nahaharap sa kasong estafa sa Santiago City, Isabela.

Sinabi ng pulisya na isang mag-asawang biktima ang nagtungo sa kanila na nakapagbigay na sila umano ng P140,000 investment sa abogada, na nangakong kikita sila ng P5,600 kada linggo.

Ngunit pagkakuha sa pera, hindi na nagparamdam umano sa kanila ang abogado.

“Nag-set-up tayo ng meeting sa kaniya with the complainant na mag-additional ng investment. So ngayon, pumayag 'yung suspect natin na makipagkita. Pagdating sa isang restaurant sa Timog Avenue, isinilbi natin 'yung warrant of arrest sa kaniya,” sabi ni Lieutenant Colonel Joy Leanza, Commander ng QCPD Station 8 - Project 4.

Nabilanggo na rin ang akusado noong nakaraang taon dahil sa kaparehong kaso.

Nakapagpiyansa siya pero hindi dumalo ng mga hearing at nagtago umano sa Metro Manila.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, madaling napapaniwala ng akusado ang mga biktima dahil sa kaniyang propesyon.

Para sa mga negosyo gaya ng trucking at rent-a-car services ang mga inaalok niyang investment. Aabot umano sa halos 30 ang mga complainant laban sa abogadong itinurong scammer.

Maliban sa investment scam, inireklamo rin siya ng ilang kliyente dahil sa hindi niya pagsunod umano sa kanilang usapan bilang abogado, gaya ng isang biktima na nagpapatulong sa problema sa kanilang lupa.

Ngunit matapos makuha umano ang nasa may P200,000 na bayad, hindi na nagpakita umano ang attorney.

“Nawala po kasi 'yung title ng lupa namin. Siya 'yung mag-aasikaso pero hindi niya po 'yun naasikaso lahat. Ang tatamis ng mga salita niya talagang makukuha niya 'yung loob niyo kasi as a lawyer, gagamitan kaniya ng mga legal terms,” anang biktima.

Nasa kustodiya na ng Project 4 Police Station ang akusado samantalang hinihintay ang commitment order ng korte.

Hinihikayat ng mga awtoridad ang mga nabiktima ng akusado na magsampa agad ng reklamo para maiangat sa syndicated estafa ang kaso. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News