Tatlong lalaki ang nadakip ng mga awtoridad na modus umano ang mag-alok muna ng babae sa kanilang bibiktimahin bago nila hoholdapin sa Caloocan City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage habang pinapalibutan na ng mga suspek ang isang lalaking biktima sa Barangay 78.

Maya-maya lang, dinala na nila ang lalaki sa isang garahe ay doon na umano nilimas ng mga suspek ang pera at ilang gamit ng biktima.

Kasunod nito ay isa-isang nag-alisan ang mga suspek, habang hindi na umano nagsumbong sa pulis ang biktima.

Ayon sa Northern Police District, nadakip ang tatlong suspek sa tulong ng “tip” o natanggap nilang impormasyon. 

“Ang unsuspecting victim ay aalokin ng sex ng babae. Kapag kumuha yung lalaki ng babae, biglang may mga darating na lalaki, hoholdapin na ngayon yung biktima,” ayon kay NPD district director Police Brigadier Gen. Jerry Protacio.

“Darating po sila, magpapakilalang asawa, ima-mob na po nila, hoholdapin na po nila,” ayon nama kay Police Colonel Mike Gomez ng NPD special operations group. 

Hindi na umano nagsusumbong sa pulis ang mga biktima kaya nakakalusot ang mga suspek.

“Bakit yung ibang kalalakihan ay ayaw nang pumunta sa kapulisan? Dahil nga pumatol kasi sila sa mga prostitute. Halimbawa na haharap sila sa kapulisan at ire-report nila kung ano ang nangyari, ayun ang malalaman ng kanilang asawa at lalong mas mabigat ang problema,” paliwanag ni Police Colonel Angelito De Juan ng NPD investigation division. 

Sinampahan na ng sakdal ang mga suspek na wala pang ibinigay na pahayag.—FRJ GMA Integrated News