Dahil sa hinalang nagagamit din sa katiwalian, ipinatigil muna ni Secretary Vince Dizon ang mga road reblocking projects ng kagawaran, o ang pagbakbak sa umano'y sirang kalsada at pagkatapos ay aayusin muli.

“Effectively now, I will be suspending all reblocking activities. And gagawa ako ng bagong department order on reblocking,” pahayag ni Dizon sa press conference nitong Biyernes.

Ayon kay Dizon, batid din niya ang pagdududa ng publiko sa naturang proyekto na napapansin na tila maayos pa naman ang kalsada pero bakit babaklasin para ayusin muli.

“Bakit ba ang DPWH binabakbak ang mga kalye na parang okay naman para lang gawin ulit. Well, siguro, sa maraming pagkakataon, alam na natin kung bakit. Kasi pinagkakakitaan lang iyon. Pinagkakakitaan yung pagsisira. Pinagkakakitaan din 'yung paggagawa ulit,” paliwanag niya.

Nilinaw naman ni Dizon na hindi kasama sa kautusan niya ang kasalukuyang maintenance works sa lahat ng mga talagang napinsalang kalsada.

Sa naturang pulong-balitaan, binanggit ni Dizon ang dalawang ulat ng kuwestiyunableng road reblocking works sa Bocaue, Bulacan at Tuguegarao City sa Cagayan.

Ayon kay Dizon, isasaad sa bagong department order ang mga “safeguard” para maiwasan ang katiwalian sa road reblocking projects.

Hinikayat ni Dizon ang publiko na isumbong sa kaniya kung may makikitang road reblocking activities sa kabila ng ipatutupad niyang suspensiyon.

Nagbabala siya na parurusahan ang district engineers na lalabag sa kaniyang kautusan. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News