Ang paggalaw sa Philippine Trench ang lumikha ng magnitude 7.4 na lindol na yumanig sa karagatang bahagi ng Manay, Davao Oriental nitong Biyernes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

“We have trenches around the Philippines. We have six active trenches...The Philippine Trench is the one that produced this one,” ayon kay PHIVOLCS chief Dr. Teresito Bacolcol sa isang briefing nitong Biyernes.

Ayon pa kay Bacolcol, ilang malalakas na lindol na rin ang naitala sa lugar sa nakalipas na mga taon gaya ng mga sumusunod:

  • 1924 - magnitude 8.3
  • 1952 - magnitude 7.6
  • 1921- magnitude 7.5
  • 1929 - magnitude 7.2
  • 1992 - magnitude 7.1

Ipinaliwanag din ni Bacolcol ang pagkakaiba ng trench at fault, na parehong magdudulot ng lindol kapag gumalaw.

“Yung fault natin is a fracture or break sa crust that would, nagdi-displace ng ating mga bato,” saad niya.

“Yung trench naman, yung seafloor natin, gumigitgit pailalim, we have this, the line doon sa dagat natin gumigitgit yung seafloor natin doon sa trench. As a result, nagkakaroon ng friction. And once the friction is released, yun yung nagkakaroon ng paglindol,” patuloy niya.

Ayon pa kay Bacolcol, ang mga trench ay mas may kakayahang lumikha ng malakas na lindol na lagpas sa magnitude 8.

“Trenches generally are capable of generating great earthquakes. When we say great earthquakes, these are earthquakes greater than [magnitude] 8,” ani Bacolcol.

Habang ang mga fault, maaari ding magdulot ng malalakas na lindol, ngunit depende sa haba ng fault.

“Yung mga fault naman natin, yung magnitude na puwede niyang i-generate would be based on its length. So the longer the fault, the higher the magnitude it would be able to generate,” paliwanag niya. 

BASAHIN: Mga bitak sa lupa matapos ang lindol sa Tabogon, Cebu, lumaki

Habang ang trench ang nagpayanig sa Davao Oriental ngayong Biyernes, nauna nang sinabi ng PHIVOLCS na isang offshore fault na huling naitalang gumalaw 400 taon na ang nakararaan ang sanhi naman ng magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu, noong September 30, 2025, na mahigit 70 katao ang nasawi. – FRJ GMA Integrated News