Nanawagan ang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) nitong Sabado sa mga mananampalataya na magsuot ng puti sa mga darating na Linggo at mag-display ng mga puting ribbon sa mga pampublikong lugar bilang pagpapakita ng kadalisayan at pagkakaisa sa gitna ng mga sakuna at isyu sa pamamahala na nakaaapekto sa bansa.

Sa isang circular, hiniling ni CBCP President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na magsuot ang mga layko ng puti tuwing Linggo ng Oktubre at Nobyembre. Samantala, kasama ang mga simbahan at mga tahanan sa mga maaaring lagyan ng puting laso.

"Let us beg the Lord's mercy on our people," sabi ni David, na binanggit ang serye ng "terrible" na mga kalamidad gaya ng mga bagyo, pagsabog ng bulkan, sunog, at lindol.

Hiniling pa ni David ang mga Katoliko na ulitin ang baong "National Call to Prayer and Public Repentance" ng CBCP tuwing Linggo, kung hindi man araw-araw, hanggang sa Solemnity of Christ the King, na sinasabayan ng tunog ng mga kampana.

"Let it be our collective Miserere, our plea for mercy and renewal as a nation," anang Obispo.

Ayon sa pangulo ng CBCP ang pagpapakita ng mga puting laso ay "sign of desire for transparency, accountability, and good governance, and as a humble prayer that our nation may be washed clean and renewed in God's mercy, and spared of further calamities."

"Let our white garments be a symbol of the purity we seek for our land and our hearts. May this season of prayer and repentance lead us to hope, healing, and the restoration of our common life in truth and justice," ani David.

"Let us beg the Lord to renew our nation, and make us instruments of justice and peace," dagdag pa niya.

Nanawagan ang CBCP isang araw pagkatapos ang dobleng lindol na magnitude 7.4 at 6.8 sa Manay sa Davao Oriental, at 11 araw pagkatapos tumama ang magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City sa Cebu.

Nakaapekto sa 201,245 pamilya o 722,919 indibidwal ang lindol sa Cebu noong Setyembre 30, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Sabado.

Samantala, naitala ang magkasunod na lindol sa Davao Oriental nitong Biyernes. Nakaapekto ang mga ito ng nasa 3,519 pamilya na may 33 bahay na napaulat na nasira sa ngayon.

Mahigit 800 aftershocks ang naitala 8 a.m. nitong Sabado.

Samantala, umusbong ang mga magkakabilang mga protesta na nananawagan ng pananagutan mula sa mga hinalal na opisyal, mga inhinyero ng DPWH, at mga kontratista sa gitna ng iskandalo sa korapsyon sa flood control. —VBL GMA Integrated News