Sa halip na makaramdam ng inis o galit, naawa ang isang customer sa 65-anyos na delivery rider na nasiraan pala ng bisikleta kaya naglakad na lamang ito papunta sa kaniyang bahay. Ang senior citizen, nakatanggap ng maraming tulong mula sa netizens.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing naghintay ng halos dalawang oras si Jean Pellegas para sa in-order niyang pagkain, kaya magkahalong pagod, gutom at inis na ang kaniyang naramdaman.
Ngunit nawala ang lahat ng ito nang makarating na sa kanilang bahay ang 65-anyos na delivery rider na si Tatay Roberto Subito.
“Paglabas ko, ano siya, pawis na pawis. Tapos 'yung kamay niya, sobrang dumi. Tapos, hinihingal. Sabi niya, ‘Pasensiya na ha, nasira 'yung bike ko. Kaya nilakad ko na lang.’ Sobrang nakakadurog,” kuwento ni Pellegas.
“Trabaho namin, delivery. So kahit late man, gusto ko ma-deliver talaga,” sabi ni Mang Roberto.
Nagmarka kay Pellegas ang kuwento ni Mang Roberto kaya naisip niya itong ibahagi online.
Kinaantigan din ito ng libo-libong netizens.
“Ang dami talagang tumulong. Kahit 'yung ano, tig-P50, P100. Naipon siya nang naipon kasi ang dami talagang tumulong, sobra,” ani Pellegas.
“Ang laking bagay talaga ito. May pangkain ka na sa mga araw-araw na darating eh. Makapagpahinga na ako. Hindi na gaanong naghahabol ng quota,” sabi ni Mang Roberto.
Ayon pa kay Manong Roberto, una niyang bibilhin ang bagong bisikleta.
“Hindi na ako mahihirapan sa araw-araw. Nabago ang buhay ko talaga,” sabi ng delivery rider. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
