Apat ang kumpirmadong nasawi at walo ang nasaktan nang araruhin ng isang truck ang mga sasakyan at mga bahay sa gilid ng Maharlika Highway, Isabang, Lucena City nuong hatinggabi nitong Sabado.

Base sa paunang report ng Lucena City Police Station, isang truck na patungo sa city proper ng Lucena ang nawalan ng control habang nagliliyab ang gulong nito. 5 nakaparadang sasakyan ang una nitong sinalpok. Nagpatuloy ito sa pag-araro sa mga nasa gilid ng highway hanggang sa masalpok ang 3 bahay at iba pang nakaparadang sasakyan malapit ito.

Sa tindi ng pagsalpok ay nawasak ang mga bahay. Nagliyab at natupok pa ang ilang sasakyan na inararo.

Sa mga oras na ito ay nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Lucena City Police Station.

Inaalam rin kung magkano ang halaga ng mga napinsala. —RF GMA Integrated News