Iniutos ng Land Transportation Office (LTO) na suspindehin ng 90-araw ang driver’s license ng lalaking nag-viral ang video sa social media na makikitang may bata na nakakandong sa kaniya at nakahawak sa manibela habang magmamaneho ng sasakyan.
Sa pahayag ng LTO nitong Lunes, natunton ng ahensiya ang mag-ari ng sasakyan na mula sa Butuan City, at nagpalabas na ng Show Cause Order sa taong nakapangalan sa rehistro. Hindi pa malinaw kung siya ang nagmamaneho ng sasakyan sa viral video.
Ayon pa sa LTO, kabilang sa mga nilalabag ng driver ang reckless driving (Sec. 48, R.A. 4136), hindi pagsusuot ng seatbelt (Sec. 4, R.A. 8750), pag-upo sa bata sa harapan ng sasakyan (Sec. 5, R.A. 11229), at improper person to operate a motor vehicle sa ilalim ng Section 27(a) of R.A. 4136 as amended by B.P. 398.
“Nakaalarma” na rin umano ang nasabing sasakyan habang suspendido ang lisensiya ng driver habang iniimbestigahan ang kaso.
Pinapaharap ang driver at registered owner ng sasakyan sa LTO’s Intelligence and Investigation Division sa October 15 upang magpaliwanag.
Muling nagpaalala ang LTO sa mga motorista na maging responsible at disiplinado sa pagmamaneho para sa kaligtasan sa kalsada.
“Road safety begins with accountability,” anang LTO. –FRJ GMA Integrated News

