Isang fetus ang nakitang nakabalot sa tela, nakapasok sa kahon ng sapatos at nakasilid sa garbage bag sa tambak ng mga basura sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City Lunes ng gabi.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nakita ang fetus sa Congressional Avenue Extension bandang 7:20 p.m.

Batay sa mga taga-barangay, nakita ang fetus ng isang napadaang lalaking nangangalakal ng basura.

“Nangangalkal siya banda roon sa sulok. May nakita siyang nakasupot. Tapos noong in-open niya ‘yung supot, nakita niya na may fetus talaga,” sabi ni Rhitzel Capili, Duty BPSO ng Barangay Pasong Tamo.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung sino ang posibleng nag-iwan ng fetus sa lugar.

“Pinare-review na po namin sa CCTV. Baka kung sakaling may nahagip sila na may nagtapon or may nag-walk in lang na initsa lang diyan,” dagdag ni Capili.

Bandang 11 p.m. nang kunin na ng punerarya ang fetus para mailibing. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News