Nasawi ang tatlong batang magkakapatid nang makulong sila sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City ngayong Martes.

Sa ulat ni Isa Avendaño-Umali sa Super Radyo dzBB, sinabing edad 10, pito, at lima ang mga biktima.

Ayon sa ina ng mga bata, nasa ospital siya para asikasuhin ang medical examination ng kaniyang ina nang mangyari ang sunog bago magtanghali.

Tatlong palapag ang bahay ng pamilya at hindi pa umano nakikita ng ginang ang kaniyang mga anak mula nang magkasunog.

 

 

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago ito naapula.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin ang sanhi ng sunog. –FRJ GMA Integrated News