Isang motorsiklo at pampasaherong jeep ang nagkabanggaan sa Marcos Highway sa Barangay Santolan, Pasig. Ang babaeng angkas sa motorsiklo, nasawi.
Sa ulat ng GTV news Balitanghali nitong Martes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, pa-U-turn sana ang jeep nang biglang makasalpukan nito ang motorsiklong nasa parehong linya.
Tumilapon ang dalawang sakay ng motorsiklo at dead on the spot ang babaeng angkas. Dinala naman sa ospital ang lalaking rider.
Nasa kustodiya na ng Pasig City Police Station ang jeepney driver na tumangging magbigay ng kaniyang panig.
Ayon sa kaniyang operator, kabibiyahe lang ng jeep nang maganap ang aksidente.
Sa Commonwealth Avenue sa Quezon City naman, inararo ng isang pampasaherong jeep ang mga plastic at concrete barriers.
Sinabi ng QCPD Traffic Sector na walo ang sakay sa jeepney, kasama ang driver.
Kinakailangang isugod sa ospital ang lima sa kanila dahil sa mga tinamong sugat.
Sinabi ng mga saksi na matulin ang takbo ng jeep at nakipaggitgitan pa umano ito sa isa pang jeep at isang taxi.
Ayon naman sa driver ng jeep, nawalan ng preno ang sasakyan at iniwasan niya ang ibang sasakyan kaya siya sumalpok sa mga barrier.
Nasa kustodiya na siya ng mga awtoridad at nakaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property and multiple physical injuries. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

