Sugatan ang isang 38-anyos na taxi driver matapos siyang holdapin at saksakin umano ng tatlo niyang pasahero sa Quezon City. Ang kaniyang mahigit P3,000 na kita, tinangay.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na sumakay ang mga suspek sa Muñoz at nagpapahatid sa Balintawak.
“Pinilit siya na ibigay ang pera na kita niya, tinutukan siya ng patalim dito sa leeg. Nu’ng hindi binigay [ng biktima ang pera] sa kaniya (suspek), sinaksak na siya sa likod na leeg niya, tapos tagiliran, sabay kuha ang pera sa harap niya. Sabay takbo na rin 'yung tatlo,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Von Alejandrino, Commander ng Talipapa Police Station.
Nagtamo ang taxi driver ng saksak sa batok at tagiliran.
Nagkasa ng hot pursuit operation ang pulisya at nadakip ang mga suspek sa Barangay Balong Bato. Gayunman, hindi na nabawi mula sa kanila ang mahigit P3,000 pati ang ginamit na kutsilyo.
Sinabi ng pulisya, patuloy nilang inaalam kung may iba pang kasabwat ang mga suspek.
“'Yung modus nila, dati silang nanlilimos, ngayon medyo hindi na sila contended sa ganoon. Ngayon nagre-resort na sila, nag-uusap na sila, may meeting of minds na sila to come up with this parang planned na pang-holdap,” sabi ni Alejandrino.
Dinala sa Talipapa Police Station ang mga suspek, na positibong kinilala ng biktima.
Itinanggi ng mga suspek ang mga aligasyon laban sa kanila.
“Hindi po namin ginawa ‘yon. Sumakay lang kami ng jeep ng asawa ko. Bigla pong pinara ‘yung jeep ng pulis,” sabi ng isa sa mga suspek.
“Magkakasama pero natulog kami, ‘yung iba tulog-tulugan,” sabi ng isa pang suspek.
“Wala po akong kaalam-alam diyan po. Nu’ng gabing iyon po bumili lang ako ng kanin tapos napadaan lang ako sa ano na ‘yun,” sabi ng pangatlong suspek.
Nasampahan na ang mga suspek ng reklamong robbery.—Jamil Santos/FRJ GM Integrated News
