Nahuli-cam ang ginawang pagsunog ng isang motorcycle rider sa isang nakaparadang sports utility vehicle (SUV) sa gilid ng kalsada sa Barangay Maharlika sa Quezon City pagkalipas ng hatinggabi nitong Miyerkules.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage ang suspek na bumaba mula sa kaniyang motorsiklo sa tapat ng nakaparadang SUV.
May inilagay siyang basahan sa ibabaw ng hood ng SUV at likido bago niya ito sinilaban.
Mabilis na tumakas ang suspek habang nagliliyab na ang harapan ng sasakyan.
Malaki na ang apoy nang mapansin ito ng may-ari ng sasakyan na nakatira sa tapat kung saan nakaparada ang SUV.
“Nagpa-panic na yung mga tao sa bahay. Nakita ko na lang po sa bintana, kasi yung kuwarto ko po nakaharap po sa kotse. Nakita ko na lang po ang laki ng sunog,” ayon kay Bianca Castañeda.
Rumesponde ang mga bumbero para apulahin ang sunog pero natusta na ang unahang bahagi ng sasakyan.
Ayon sa may-ari ng sasakyan, wala silang maisip kung sino ang nasa likod ng pagsunog sa kanilang SUV.
“Wala naman po kaming kaaway. Wala naman kaming maisip kung sinong puwedeng gumawa kasi tahimik naman po kami. And wala naman po kaming nakakaaway sa daan na posible,” dagdag ni Castañeda.
Patuloy naman ang pagsisiyasat ng Quezon City Police District (QCPD) sa insidente para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.
“We are conducting an in-depth investigation. Nagsasagawa na rin yung ating mga tracker team sa pagre-review ng mga CCTV footage sa lugar… Para matukoy ang suspect at the same time yung kanyang sinakyang motorsiklo,” ayon kay QCPD spokesperson Police Captain Febie Madrid. — FRJ GMA Integrated News
xxx
