Walang kawala ang isang 61-anyos na lalaki na nanloob sa isang vape shop sa Barangay Sauyo, Quezon City. Ang suspek, pinanonood na pala ng may-ari ng tindahan sa CCTV camera kaya agad siyang nakorner ng mga pulis bago pa makatakas.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang suspek na naghahalughog sa loob ng naturang establisimyento sa Quirino Highway gamit ang isang flashlight.
Ilang saglit pa, pinagbubuksan na niya ang mga cabinet sa tindahan. Matapos makuha ang kaniyang pakay, sumilip ang lalaki sa labas mula sa roll-up door na bahagya niyang iniangat para makapasok siya sa loob.
Ngunit bago pa siya gumapang palabas, bigla nang bumaba ang roll-up door at napaupo na lamang sa panlulumo ang lalaki sa loob ng tindahan.
Batay sa pulisya, kasasara lang ng vape shop nang maganap ang insidente.
“Na-timing-an ng may-ari na mayroong mga nagroronda na mga TMRO [pulis] natin. Pinara niya tapos hinintay lang nila itong lumabas. For safety reason hindi nila pinasok agad para makita rin kung armado itong tao o hindi,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Von Alejandrino, Talipapa Station Police Commander.
Bago pa man makapagnakaw ang lalaki, napansin na pala siya na may-ari ng tindahan na umaaligid sa lugar. Nakumpirma ito ng may-ari nang suriin na ang CCTV footage.
“Itong si suspek, sinira niya itong roll-up door ng tindahan. Tapos gumapang siya doon. Pilit niya inangat para kumasiya ‘yung katawan niya,” sabi ni Alejandrino.
Nabawi mula sa suspek ang ninakaw na P3,000 na pera at vape products na nagkakahalaga na higit P1,300.
Aminado ang suspek sa krimen na idinahilan na maysakit sa puso ang anak niya at naubos na ang puhunan sa pagtitinda kaya nagawa ang krimen.
“Maysakit po ang anak ko sa puso. Nagtitinda ako ng mais, halos maubos na ako ‘yung puhunan ko pambayad pa ng utang pa sa Bumbay. Napilitan naman ako gumawa. Nagawa ka man ‘yon pero pinagsisihan ko na po ‘yon,” sabi ng suspek.
Pero sa pulisya, ikalimang pagkakataon nang nadakip ng suspek, na dati na ring nadawit sa mga kasong pagnanakaw at iligal na droga.
Sinampahan ng reklamong robbery ang suspek na dagdag sa listahan ng mga krimen na kaniyang ginawa.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
