Dalawang fire volunteers ang sinuntok at pinalo umano ng dalawang residente sa harap ng sunog sa Barangay 650 sa Port Area, Manila nitong Biyernes ng hapon.
Sa ulat ni Manny Vargas sa Super Radyo dzBB, sinabi ng isang biktimang fire volunteer, na naghihitay siya noon ng supply ng tubig nang mangyari ang pag-atake sa kaniya at kasama.
“Binugbog po ako dahil naghihintay po ako ng tubig dahil gawa ng wala pang supply kasi hinihintay yung supply. Ngayon, wala raw tubig. Yun binugbog na nila ako,” ayon sa biktima.
“Dalawa sila. Hinampas ako ng dos por dos sa likod pati yung kasama ko. Kaya tumakbo ako agad,” dagdag niya.
Ayon sa Bureau of Fire Protection - National Capital Region (BFP-NCR), naiulat ang sunog dakong 1:28 p.m at umabot sa ikalawang alarma dakong 1:34 p.m.
Idineklara itong fire out pagsapit ng 2:22 p.m.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog at pinsala nito.
Sa follow-up report, sinabing nag-iimbestiga na ang pulisya sa nangyaring pananakit sa mga fire volunteer.
Kasama rin umano ang mga opisyal ng barangay sa paghahanap sa dalawang residenteng sangkot sa pananakit.—FRJ GMA Integrated News

