Kinumpirma ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III na muling pamumunuan ni Senate President Pro Tempore Panfilo "Ping" Lacson ang makapangyarihang Senate blue ribbon committee, ilang linggo matapos niya itong bitawan.

Ayon kay Sotto, napagdesisyunan ni Lacson na bumalik bilang chairperson ng naturang komite matapos ang panawagan ng ilang senador at ng publiko.

“It has come to his attention [tungkol] clamor of some of our colleagues and the public that he retake the [committee],” ani Sotto.

Nagbitiw si Lacson noong Oktubre 6 dahil sa hindi umano nasisiyahan ang ilang senador sa direksyon ng imbestigasyon ng komite tungkol sa mga anomalya sa flood control projects.

Pansamantalang pumalit sa kaniya si Senator Erwin Tulfo bilang acting chairman ng komite.

Bago nito, sinabi ni Lacson na kung babalik siya bilang pinuno ng komite, dapat handa si Sotto sa posibleng epekto nito sa kaniyang liderato sa Senado.

Maaari daw kasi na may mga miyembro o kasamahan nila sa majority bloc ang umalis sa kanilang grupo at maapektuhan ang liderato ni Sotto.

Samantala, nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na huwag na sanang idamay ang grupo nila sa minorya tungkol sa internal issues nila sa majority.

“Politics will always have its share of drama. But let’s not turn the Senate into a teleserye,” ani Cayetano.— mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News