Timbog ang isang 47-anyos na babae matapos siyang tumangay umano ng mga alahas at meat products na milyon-milyong piso ang halaga sa Quezon City. Ang akusado, hinabla rin ng mga biktima niyang negosyante dahil sa tumalbog na mga tseke.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing dinakip ang babae ng mga operatiba ng Talipapa Police Station sa inuupahan niyang bahay sa Barangay West Fairview.
Subject siya ng tatlong arrest warrant na inisyu ng mga korte sa Parañaque City at Cavite para sa mga kasong estafa at paglabag sa Anti-Bouncing Check Law.
“We received a reliable information from allegedly one of the victims niya sa panloloko. So, lumapit sa amin. Then, upon verification, meron siyang existing warrant of arrest,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Von Alejandrino, commander ng Talipapa Police Station.
Pagkarating ng babae sa police station, natuklasang may isa pa siyang arrest warrant para sa kasong estafa sa Quezon City, at isinilbi rin ito sa kaniya ng pulisya.
Nagpakita rin ang iba pang nabiktima kasama ang 46-anyos na negosyanteng natangayan umano ng mahigit P12 milyon, kaya natuklasan ang modus umano ng akusado.
Hulyo 2024 nang mapanood sa video na nakatransaksiyon ng negosyante ang akusado nang i-deliver ang mahigit 30 alahas at tatlong mamahaling relo na binili sa kaniya.
“Nag-issue po siya ng P3 million at P9 million pambayad po roon sa mga alahas ko. Dumating 'yung oras po na date po ng mga tseke, lahat bounced po. Walang na-good po. Doon na lang po namin nalaman sa isang bangko na itong tao na ‘to ay scammer po pala talaga,” sabi ng isang negosyante.
Isa pang negosyante ang natangayan ng aabot sa mahigit P17 milyong halaga ng alahas at meat products. Nakapagbabayad pa ang akusado noong una, hanggang sa tumalbog na ang mga tseke.
Sinabi ng pulisya na tutulungan nila na makapagsampa ng dagdag na reklamo ang iba pang nabiktima.
“'Yung modus niya, i-entice niya itong mga victim sa promise of return ng goods by issuing a PDC o post-dated tseke. Later on malaman ng receiver ng tseke na wala pa lang pondo ito o closed account na ito kaya nagba-bounce 'yung mga PDC nila. Meron ding in-trade of jewelry and expensive watches,” sabi ni Alejandrino.
Nakadetine ngayon ang akusado sa Talipapa Police Station.
“May karapatan po akong hindi magsasagot. May karapatan akong hindi magpa-interview. Sa korte na lang po,” sab ng akusado. —Jamil Santos/KG GMA Integrated News
