Pinabakunahan ang isang siyam na taong gulang na lalaki matapos siyang kagatin ng alagang unggoy ng kanilang kapitbahay sa Zamboanga City.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabi ng kagawad ng Barangay Capisan na ilang ulit umanong sinabihan ang bata na huwag lalapitan ng unggoy pero hindi umano ito sumunod.

Agad ipinagamot at pinabakunahan ng may-ari ng unggoy ang biktima.

Matapos bakunahan, nilagnat ang bata, pero bumuti rin ang kaniyang pakiramdam kalaunan.


Samantala, nai-turnover na ng may-ari ang kaniyang alagang unggoy sa Department of Environment and Natural Resources.

May payo ang World Health Organization na agad hugasan ang sugat mula sa kagat o kalmot ng hayop gamit ang sabon at tubig sa loob ng 10 hanggang 15 minuto.

Linisin din ang sugat gamit ang alkohol o ethanol na may 70 porsyentong solusyon.

Dalhin agad ang nakagat o nakalmot na pasiyente sa pagamutan. Magpabakuna rin kontra rabies o iba pang sakit kung kinakailangan.—Jamil Santos/LDF GMA Integrated News