Dalawa ang nasawi, at lima ang sugatan nang sumabog ang isang pagawaan ng paputok sa Norzagaray, Bulacan nitong Miyerkules. Ang isa sa mga nasawi, napag-alaman na nakaburol pa ang nakababatang kapatid na namatay naman sa sakit nang mangyari ang trahedya.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras,” sinabing ilang bahay ang nadamay at nasunog dahil sa lakas ng pagsabog.

“Yung pressure ng pagsabog, puwede pong mag-ano po sa tao, kahit sa mga physical structure ng buildings, puwede niyang gibain yung structure natin,” ayon kay BFP Norzagaray municipal fire marshal chief F/Sr. Insp. Francis Rosales.

Matagal na raw hinihiling ng mga residente sa namamahala sa pagawaan ng paputok na ilayo ito sa mga kabahayan para maiwasan ang sakuna.

“Hindi naman po kami pinakikinggan. Ilayo-layo sana, nilayo naman bahagya kaso hindi naman kalayuan. Kalapit-lapit din,” pahayag ni Danny Cañega, na namatayan ng apo na 15-anyos, nang madamay ang kanilang bahay at nasunog.

Natutulog umano ang kaniyang apo dahil may pinaglalamayan sila na mas nakababata nitong kapatid na namatay naman sa karamdaman ilang araw pa lang ang nakalilipas.

“Nakatulog sa duyan eh biglang aksidenteng sumabog. Eh hindi na siya nakatakbo gawa nga na natutulog,” ayon sa lolo.

Maging ang kabaong ng pinaglalamayan, natamaan din ng pagsabog.

Isa pa sa nasawi ang trabahador sa pagawaan ng paputok na hindi pa nakikilala.

Ang ibang nasugatan, tinamaan ng tumalsik na yero dahil sa pagsabog.

“Tumalsik na lang po yung mga yero sa bahay, hanggang sa matamaan kami ng yero,” kuwento ng biktimang si Jennifer Verzo, na nagkaroon ng hiwa sa braso. 

Tinataya ng Norzagaray MDRRMO, na nasa 45 na bahay ang naapektuhan ng pagsabog.

Hinihinala naman ng mga awtoridad na dahil sa nakaimbak na pulbura ang dahilan ng pagsabog.

Ayon kay SFO3 Larry Gutierrez BFP Norzagaray, chief operation at fire arson investigator, lumalabas na walang kaukulang permit ang pagawaan. 

Hinahanap pa ang may-ari ng pagawaan ng paputok na mahaharap sa patong-patong na reklamo, gaya ng multiple homicide, multiple injuries, at damage to properties. – FRJ GMA Integrated News