Nagtagisan sa paglikha ng iba’t ibang Filipiniana attire gamit ang Philippine Tropical Fabrics ang 15 grupo ng mga young designer at creatives mula sa iba’t ibang unibersidad at fashion design institute sa bansa.
Ang mga final product, bunga rin ng collaboration ng mga estudyante at ng weavers at communities na may kontribusyon sa paggawa ng local textiles.
"What we wanted to do is to get them to work with Philippine textiles, Philippine communities as well and use them in their creations and this is actually the culmination of that engagement na may boot camp, may mentoring and finally they have the runway to show their collection," sabi ni DOST-Philippine Textile Research Institute Director Julius Leaño Jr. nitong Miyerkoles.
Kabilang sa criteria for judging para sa Stitch-Off: Filipiniana-Coded Tech-Know Fashion Show 2025 na ginanap sa Intramuros, Maynila, ay ang design, concept at pagsunod sa tema, creativity, craftsmanship, originality, sustainability, innovation sa paggamit ng textile materials, overall visual impact at potential for commercial production.
Nagwagi bilang 2nd runner-up ang Flora de Corales ng iAcademy katuwang ang LPZ Abra Weavers.
1st-runner up naman ang Beyond the Currents ng Iloilo Science and Technology University katuwang ang San Jose Multi-Purpose Cooperative.
Itinanghal na champion ang Paghinumdom sa mga Adlaw ng University of the Philippines Cebu katuwang ang Barangay Tan-awan Farmers Weavers Association of Negros Nine.
Ayon sa isang miyembro ng UP Cebu team na si Ruben Rae Langamen, malaking hamon ang hinarap nila sa paggawa ng kanilang Filipiniana Collection.
“Because of the earthquake po hindi namin nagamit lahat ng facilities kasi yung facility namin nasa taas ng mga building kaya binaba po lahat, doon po kami sa open area gumagawa po hanggang madaling araw kaya kapag nag a-aftershock mabilis kaming nakakapag evacuate,” ani Ruben.
Ang kanilang konsepto para sa winning Filipiniana Collection nila ay ang mga alaala raw nila ng paglalaro ng traditional games noong bata pa.
Ayon naman sa co-designer niya na si Faye Alvinez, “the bleaching felt like play for us, so the whole time we were enjoying everything.”
Malaki anila ang kanilang pasasalamat para sa mga ganitong oportunidad na maishowcase ang talento ng mga kabataang Pinoy pagdating sa pagdidisenyo.
Ang mga nagwagi ay nakatanggap ng cash prize, medalya, at gift certificate at ang kampyeon, may round-trip ticket sa anumang domestic destination. —VBL GMA Integrated News

