Nagdulot ng takot sa mga pasahero ang pag-usok ng cellphone ng isa sa mga nakasakay sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) nitong Miyerkules ng gabi.

Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng pamunuan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na kaagad inilabas ng train driver ang umuusok na cellphone sa Central Terminal Station.

Rumesponde rin umano kaagad ang mga security at iba pang kawani ng istasyon sa insidente, at walang nasaktan.

Ayon pa sa LRMC, sumailalim sa full inspection ang tren at hindi naapektuhan ng insidente ang operasyon ng LRT1.—FRJ GMA Integrated News