Nakapagtala ng minor explosive eruption ang bulkang Kanlaon sa Negros Occidental nitong Biyernes ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Ang sandaling pagputok, nagdulot ng ash fall sa ilang barangay.

Ayon sa PHIVOLCS, nagsimula ang pagputok bandang 8:05 p.m. at tumagal lang ng hanggang 8:08 p.m.

Naglabas ang bulkan ng abo at usok na umabot sa 2,000 metro ang taas mula sa bunganga nito patungong hilagang-silangan.

Ayon pa sa PHIVOLCS, nakunan ng IP camera sa Lower Masulog, Canlaon City observation station ang pyroclastic density currents na bumaba sa katimugang dalisdis ng bulkan, sa loob ng isang kilometro mula sa summit crater.

Mananatili ang Alert Level 2 sa bulkan, na nangangahulugang may pagtaas ng aktibidad at pag-aalburoto nito.

Sa ilalim ng Alert Level 2, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ), gayundin ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa bulkan.

Pinayuhan ng PHIVOLCS ang mga residente sa paligid ng bulkan na isara ang mga bintana at pinto tuwing may ashfall, at maglagay ng basang tuwalya o tela sa mga siwang upang maiwasan ang pagpasok ng abo.

Pagkatapos ng ashfall, inirerekomenda ng ahensya na hugasan ng tubig ang mga bintana at pinto, at itapon nang maayos ang mga nakolektang abo sa lugar na malayo sa daluyan ng tubig.

Dagdag pa ng PHIVOLCS, dapat pakuluan muna ang tubig bago inumin matapos ang insidente ng ashfall upang matiyak ang kalinisan nito.

Sa ulat ni Aileen Pedroso sa GMA Regional TV News, sinabing ilang barangay sa may tatlong bayan sa Negros Island ang nakaranas ng ash fall kasunod ng bahagyang pagputok ng bulkan.

Batay umano sa situationer report mula sa Office of Civil Defense (OCD)-NIR, ang mga lugar na naapektuhan ng ash fall habang ginagawa ang ulat ay ang:

  • Bago City - 12 barangays
  • La Carlota City - 2 barangays
  • San Carlos City - 1 barangay

Nakaalerto umano ang Bago City Disaster Risk Reducation and Management Office kung sakaling kailanganin na ilikas ang mga nakatira sa Barangay Mailum. – FRJ GMA Integrated News