Kinumpirma ng Malacañang nitong Lunes na itinalaga si Atty. Angelito “Lito” Magno bilang officer-in-charge ng National Bureau of Investigation (NBI).

Inihayag ito ng Palasyo matapos tanggapin na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbibitiw ni NBI Director Jaime Santiago.

Ginawa ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro ang kumpirmasyon sa isang press briefing sa ika-47 ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong sa Malaysia.

Isang beteranong ahente at abogado, umangat sa posisyon si Magno sa NBI mula sa pagiging line agent hanggang sa Deputy Director for Investigative Services.

Kilala rin si Magno sa kaniyang kahusayan sa imbestigasyon, ICT, at pamumuno sa pagpapatupad ng batas.

Noong Agosto, nagbitiw sa kaniyang posisyon si Santiago, dahil umano sa mga “detractors and those who have sinister interest" sa kaniyang posisyon na walang tigil na gumagawa ng paraan para sirain ang pangalan niya.

Una rito, sinabi ni Santiago ngayong Lunes na tinanggap na ni Marcos ang kaniyang irrevocable resignation. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News