Isang lalaki ang timbog matapos siyang mahulihan ng baril at pampasabog sa Maharlika, Taguig City. Ang suspek, natuklasang dawit din umano sa pagpatay nitong Oktubre at may warrant of arrest pa noong Hulyo 2024.
Sa ulat ni GMA Integrated News reporter Marisol Abdurahman sa Unang Balita nitong Martes, sinabing dinakip ang lalaki sa Tawi-Tawi Street habang nagsasagawa noon ng follow-up operation ang pulisya sa lugar nang matiyempuhan nila ito.
“Hawak niya po. Dahil may baril, hinold po ng ating tropa,” sabi ni Police Captain Erick Amodia, PIO ng Taguig City Police.
Bigong makapagpakita ng kaukulang dokumento ang suspek kaya siya hinuli. Sa pagsasagawa ng lawful search, nakuha pa sa kaniya ang isang granada.
Sa patuloy na pagberika sa kaniyang pagkakakilanlan, natuklasang mayroon pa siyang standing warrant of arrest dahil sa kasong murder noong Hulyo 2024.
Natuklasang sangkot ang suspek sa pagpatay sa isang lalaki noong Oktubre 28 sa Maharlika, Taguig.
Hindi nasapul sa CCTV ang pamamaril, ngunit maririnig ang putok. Matapos nito, makikitang tumatakbo palayo ang suspek.
Positibo kinilala ng saksi ang suspek.
Ang suspek, itinanggi na sangkot siya sa pamamaril noong Oktubre 28.
“Hindi po ma'am, hindi po totoo ‘yun. Sabi nga po nila ako daw eh. Pero hindi po ako magsasalita ma'am kasi wala namang po akong kinalaman doon,” anang suspek.
Gayunman, umamin siyang may warrant of arrest siya dahil sa kasong murder.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa illegal possession of firearms and explosives ang suspek, na isa umanong gun for hire ayon sa Taguig Police.
“Hindi ako mamamatay-tao ma'am. Mabait akong tao,” pagtanggi ng suspek sa paratang sa kaniya. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News
