Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang driver’s license ng isang rider na pulis dahil sa pagdaan niya sa bike lane at wala pa siyang suot ng helmet.

Sa isang pahayag ng Department of Transportation (DOTr), sinabing nakita ang rider na pulis na pagewang-gewang umano sa pagmamaneho habang suot pa ang uniporme sa viral video nang mangyari ang insidente.

“Walang pakundangan kahit maka-perwisyo ito sa ibang mga motorista. Ang bicycle lane ay nakalaan lamang para sa mga bikers at hindi para sa mga motorcycle riders,” ayon sa DOTr.

Ipinatawag din ng LTO ang naturang pulis at nakarehistrong may-ari ng naturang motorsiklo para pagpaliwanagin kung bakit hindi dapat tuluyang suspendihin o kanselahan nang permanente ang kaniyang lisensiya.

Mahaharap din ang pulis sa mga reklamong paglabag sa batas sa pagsusuot ng helmet at hindi pagsunod sa traffic signs.

“Paulit-ulit nang sinasabi ng Pangulo na maging disiplinado sa kalsada para sa kaligtasan ng lahat. At sino mang lalabag sa batas trapiko ay papatawan ng karampatang parusa,” ayon kay acting DOTr Secretary Giovanni Lopez.

“Maging pulis man ito, lalo’t inaasahang siya ay tutulong sa pagpapa-tupad ng batas, at gagalangin ang batas-trapiko,” dagdag niya.— mula sa ulat ni Jiselle Anne Casucian/FRJ GMA Integrated News