Naglunsad ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ng Early Warning System for the Deaf o Beacon Light, na isang visual alert system para mabigyan ng emergency alert ang lahat-- kasama na ang mga bingi, hirap sa pagdinig at iba pang PWD sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ng lokal na pamahalaan na ito umano ang kauna-unahang uri ng visual alert system sa Pilipinas.

Pinangunahan ito ng Department of Disaster Resilience and Management (DDRM) ng lungsod, na gumagamit ng multi-colored LED beacon lights na nagbibigay ng malinaw at color-coded na babala para sa iba’t ibang uri ng kalamidad gaya ng bagyo, lindol, at iba pang emergency.

Kapag natukoy ang panganib, ia-activate ang sistema at paiilawin ang mga partikular na kulay na tumutukoy sa klase ng sakuna.

Sinabi ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon na ipinakikita ng proyektong ito ang malasakit at pagiging inklusibo ng Muntinlupa para makapaghanda ang mga tao laban sa mga kalamidad.

“Ang kahandaan ay dapat para sa lahat. Gusto nating maging ang mga kababayan nating hindi nakaririnig ng sirena o anunsyo ay makatatanggap ng babalang makapagliligtas ng buhay,” sabi ni Biazon.

Dalawampung Beacon Lights ang inilagay sa mga eskuwelahan, health centers, at mga pangunahing lansangan sa Muntinlupa bilang unang yugto ng proyekto.

Plano ring palawakin ang sistema sa tulong ng City Engineering Department at Persons with Disability Affairs Office (PDAO) upang mas marami pang lugar na maprotektahan.

Dagdag ang Beacon Lights sa 17 early warning system siren na naka-install na sa buong Muntinlupa.

Samantala, naghahanda na ang mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR) para sa epekto ng posibleng Super Typhoon na Uwan, ayon kay Metro Manila Council (MMC) president at San Juan City Mayor Francis Zamora.

Ayon kay Zamora, naghahanda na ang mga LGU sa NCR ng mga rescue equipment at relief goods.

Dagdag pa ni Zamora, inaalis din nila ang bara sa mga drainage system at nag-iimbak ng langis para sa agarang operasyon ng mga pumping station para maiwasan ang pagbaha. Binanggit niyang dapat maging epektibo ang lahat ng proyekto sa pagkontrol ng baha. Pinuputol din ng mga LGU ang mga puno upang mabawasan ang panganib dala ng mga naglalaglagang mga sanga.

Ilang lugar sa Luzon, Visayas, at Bicol region ang unang makararanas ng epekto ng bagyong Uwan na may posibilidad na maging super typhoon kapag pumasok na ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado.-- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News