Iniutos ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, na imbestigahan ang ulat na may ilang residente sa Barangay Quintin Salas sa Jaro, Iloilo City ang nakakuha lang ng P2,000 perang ayuda mula sa kagawaran sa halip na P10,000, dahil kinuha umano ng mga opisyal ng barangay ang P8,000.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Assistant Secretary Irene Dumalo, tagapagsalita ng DSWD na ikinagalit ni Gatchalian ang naturang ulat at iniutos sa field office sa lugar na imbestigahan ang reklamo.

 

 

Binigyang-diin ni Dumlao na dapat buo na matanggap ng mga kuwalipikadong benepisaryo ang P10,000 ayuda at hindi ito dapat bawasan ng mga opisyal ng barangay.

Idinagdag niya na mga nasala na ang mga benepisaryo ng mga programa ng DSWD, katulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Ayon kay Dumlao, handa ang DSWD na sila ang magsasampa ng kaso sa mga opisyal ng barangay kapag napatunayan na totoo ang alegasyon sa ginawang pagkaltas sa ayudang pera.

Pinayuhan ng opisyal ang mga benepisaryo ng mga programa ng DSWD na huwag ibibigay sa iba ang matatanggap nilang ayuda na sila dapat ang makinabang.

Pinag-aaralan na rin umano ng DSWD na idaan sa e-wallet ang pamamahagi ng mga ayuda sa mga kwalipikadong benepisaryo para mapadali ang pamamahagi ng tulong.

Una rito, iniulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV na ilang residente sa Barangay Quintin Salas sa Jaro, Iloilo City ang nagreklamo na P2,000 lang nakuha nilang ayuda bilang food assistance mula sa DSWD. Ito ay matapos na kunin umano ng mga taga-barangay ang P8,000 ng dapat sanang P10,000 na nakalaan sa bawat benepisaryo noong November 11, 2025.

“Pagdating sa exit, may nakabantay doon na mga tauhan ni kapitan at doon daw tumungo sa kabilang silid at doon iwanan ang eight thousand. Natakot silang magpalabas ng pahayag sa (media) dahil baka pag-initan sila ni kap,” ayon kay Alyas “Inday.”

Kuwento pa niya, November 9, 2025 nang pinag-fill out sila sa forms para sa naturang food assistance. Gayunman, sinabihan din daw sila na P2,000 lang ang mapupunta sa kanila at hindi buong P10,000.

“Sabi nila, manahimik lang dahil napili. Marami ang masama ang loob sa amin sa ganyan. Ibibigay daw nila sa mga hindi nakakuha, ‘yan ang sabi ni kap sa amin,” patuloy ni Inday.

Masama rin ang loob ng isa pang residente na si Rey Lumbayan, sa naturang pagkawala ng P8,000 na dapat na tulong para sa kanila.

“Mahirap ang tao, dapat tulungan. Hindi yung kukunin pa yung hindi naman para sa kanila,” saad niya.

Inihayag din ng ibang residente na may iba pang taga-barangay sa nangyaring payout na mula sa Jaro District.

Ayon sa DSWD 6, ang naturang payout na bahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ay para matulungan ang mga nasa vulnerable sectors na apektado ng mataas na inflation rate.

“Ini-encourage namin ang may reklamo na mag-execute sila ng affidavit o mag-file ng formal complaint. Hindi namin ito kinokonsenti at pinagsasabihan namin ang beneficiary na walang kahit sino na makakabawas sa assistance na ibinibigay sa kanila,” sabi ni Joselito Estember, DSWD 6 director.

Sinubukan umano ng GMA Regional TV One Western Visayas na tawagan ang kapitan sa binanggit na barangay para makuhanan ng pahayag pero hindi umano sumasagot sa mga tawag, at wala rin sa bahay nang puntahan.—FRJ GMA Integrated News