Isang lalaki ang nagtamo ng mga sugat matapos siyang habulin at tagain ng kaniyang kumpare dahil umano sa selos sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang pagdaan ng isang lalaki na may bitbit na itak sa Bukang Liwayway Street pasado 9:30 p.m. ng Biyernes.
Maya-maya pa, ilang tauhan ng barangay na ang tumatakbo patungo sa Narra Extension kung saan din unang nagpunta ang lalaki.
Sinabi ng barangay na hinataw na pala nito ang isa pang lalaki na dayo lang sa lugar, bagay na hindi nakuhanan sa CCTV.
Bago ang pananaga, dalawang beses munang binalikan ng suspek ang biktima at pinagbantaan ito. Umuwi saglit ang suspek sa kanilang bahay.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikitang lumabas ang suspek sa kanilang bahay na may dala nang itak. Kalaunan, tuluyan na niyang sinugod ang biktima.
“Nagkataon lang po na baligtad ang tanim, kaya tumama lang sa may gilid ng kaliwang mata niya. Tapos after nu’n, kinuha ng biktima ‘yung bangko, ‘yun ang ginawa niyang panalag. Nausog po siya rito sa may tindahan tapos meron siyang nakitang bote. ‘Yun daw po ‘yung binabasag niya, ginagawa niyang pangdepensa niya para hindi makalapit sa kaniya ‘yung suspek,” sabi ni Kagawad Francis Dela Peña.
Gayunman, apat na beses pa ring tinamaan ng itak sa kaliwang braso ang biktima. Mabilis siyang isinugod sa ospital at agad ding nakalabas sa pagamutan.
Umuwi pa sa kanilang bahay ang suspek. Nang puntahan ng pulisya ang kaniyang bahay, hindi na sumasagot umano ang suspek at naka-lock na ang gate ng bahay.
Sinabi naman ng kabilang barangay kung saan residente ang suspek na bago ang insidente, nagsumbong sa kanila ang asawa nito na binugbog siya ng suspek na nakainom noon.
“Pinayuhan namin ‘yung asawa niya na umuwi muna sa kapatid niya, at least para hindi siya gulpihin ng asawa niya,” sabi ni Kagawad Fredcel De Dios.
Natuklasan ding magkumpare ang suspek at biktima.
“‘Yun ang nabanggit ng asawa niya na, hinahanap niya lagi si ‘Tigas’ dahil parang nagseselos siya,” sabi pa ni De Dios.
Patuloy ang follow-up operation ng pulisya para mahuli ang suspek na nahaharap sa reklamong frustrated murder.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng pulisya. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
