Itinanggi ng Malacañang ngayong Miyerkoles na planong sibakin sa puwesto sina Education Secretary Sonny Angara at Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda.

"Denied po dahil kahapon lamang po ay kasama namin sila sa (Legislative-Executive Development Advisory Council) LEDAC meeting at nagbigay din po sila ng kanilang mga proyekto sa private meeting with the President. So, we denied," sabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa press briefing.

Ang pahayag ni Castro ay reaksyon sa lumabas na ulat na nanganganib umanong alisin sa Gabinete ni Marcos ang dalawang kalihim.

Una rito, inihayag ni Angara na hindi siya magbibitiw sa puwesto matapos na isangkot siya ng isang opisyal sa umano’y pagsisingit ng pondo noong senador siya at chairman ng Senate committee on finance.

Iginiit ni Angara na walang basehan at walang katibayan ang alegasyon na ibinabato laban sa kaniya.

Samantala, sinabi ni Aguda na wala siyang alam sa umano’y P6.5-billion insertion na ginawa sa DICT ngayong 2025.

Ayon kay Castro, wala pang abiso kung magkakaroon muli ng Cabinet revamp. Kontento umano ang Pangulo sa trabaho ng mga miyembro ng Gabinete.

"Kontento po ang ating Pangulo sa lahat ng kaniyang mga Cabinet secretaries at habang nanatili sila diyan, nandiyan pa rin po ang tiwala ng ating Pangulo sa kanila," sabi ni Castro.  — Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News