Arestado ang isang 54-anyos na babae na kumukuha ng police clearance sa mismong istasyon ng pulis sa Quezon City matapos matuklasang may arrest warrant laban sa kanya para sa kasong pagnanakaw.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing agad isinilbi ng pulisya sa babae ang warrant of arrest para sa kasong qualified theft na isinampa ng kaniyang dating amo.

"Ang purpose ay para siya makabili ng ID ng single mom. Vinerify natin, vinalidate natin kung siya ba 'yung nasa warrant of arrest. Nang tinanong natin 'yung babae na kumukuha, inamin niya na siya 'yon," sabi ni Police Lieutenant Colonel Joy Leanza, Commander ng Quezon City Project 4 Police Station.

Sinabi ng pulisya na lumabas ang arrest warrant noong Hunyo 2022 matapos umanong pagnakawan ng babae ang kaniyang dating amo sa Taguig City.

"Nag-work siya roon for 15 years as kasambahay. Then finile-an siya ng kaso for qualified theft ng amo niya kasi nawalan ng almost P90,000," sabi ni Leanza.

Makaraan ang insidente, nagtrabaho pa sa ibang bansa ang babae bilang staff ng salon nang mahigit isang taon. Kakauwi lang niya sa Pilipinas nitong Enero.

Itinanggi ng babae na pinagnakawan niya ang kaniyang dating amo.

"Hindi ko po alam na kinasuhan ako eh. Tapos nakapunta po ako dahil may kamag-anak po ako dito sa Project 4. Hindi po totoo 'yun. Nagtrabaho po ako sa kanila ng 15 years pero hindi ko po nagawa ng ganu'n," sabi ng babae.

Nakapag-return of warrant na ang pulisya at hinihintay na lang ang commitment order galing sa korte. — Jamil Santos/ VDV GMA Integrated News