Kalunos-lunos ang sinapit ng isang aso na nakawala mula sa bahay ng kaniyang amo sa Valenzuela City. Ang aso, hinanap at natagpuan pero putol na ang dila.

Sa ulat ng GMA News Saksi nitong Huwebes, madidinig sa video ang alulong at pag-iyak ng aso na tila nasasaktan noong Martes ng hatinggabi. May nakita ring ilaw na tila mula sa motorsiklo sa naturang video.

Matapos nito, nakita na lang ng pamilya ni Rodlee Rivera-Zulueta ang kanilang aso na duguan at putol na ang dila. Ang dila nito, natagpuan hindi kalayuan sa kanilang bahay.

Ayon kay Zulueta, nakatali naman ang kanilang aso sa compound pero nakawala nang araw na iyon at ilang oras nilang hinanap bago nila natagpuan na duguan at nanghihina.

Dinala sa vet clinic ang aso matapos na tamaan ng impeksyon at nagpositibo sa ilang sakit.

Ayon sa veterinarian, hindi na maibabalik ang dila ng aso pero nasa recovery stage na ito.

Nakita na rin nila na nag-try na ang aso na uminom na mag-isa pero ang nguso na ang gamit sa halip na ang dila.

Posible naman daw na masanay ang aso sa kalagayan nito pero dapat nakaalalay ang pet owner kapag kinailangan ng aso ang suporta o tulong.

Blangko naman sina Zulueta kung sino ang nanakit sa kanilang aso na mabait umano at wala namang nakakagat. 

Humihingi sila ng tulong sa sino mang may impormasyon para mapapanagot ang taong may kagagawan ng pagputol sa dila ng kanilang alaga. – FRJ GMA Integrated News