Inanunsyo ng Villar Group nitong Martes na pumasok ito sa mga pinal na kasunduan sa Crystal Bridges Holding Corp. ng Lucio Co Group para sa pagkuha ng 100% ng PrimeWater Infrastructure Corp.

Sa isang pahayag, sinabi ng Villar Group na bibilhin ng Crystal Bridges ang buong portfolio ng operasyon ng PrimeWater sa buong Pilipinas kapag nakumpleto na ang mga kasunduan.

Si Co, isang business tycoon, ang nagmamay-ari din ng Puregold Price Club Inc. at ng membership shopping chain na S&R.

Nag-o-operate ang PrimeWater ng water and wastewater infrastructure projects sa buong bansa, kabilang ang mga joint venture sa mga water district, bulk water supply, at mga serbisyong septage at wastewater management.

Ginawa ang anunsyo sa gitna ng masusing pagbusisi sa umano’y kakulangan sa serbisyo ng water service provider na pinamumunuan ng mga Villar.

Noong Mayo, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na imbestigahan ang operasyon ng PrimeWater dahil sa mga reklamo kaugnay ng serbisyo nito sa pagkakaloob ng malinis na tubig.

Kamakailan lang, sinabi ni Senador Raffy Tulfo, na 61 local water district ang hindi nasisiyahan sa serbisyo ng PrimeWater at marami sa mga ito ang nais nang wakasan ang kanilang joint venture agreements (JVA) sa water service provider.

Bilang tugon, sinabi ni PrimeWater president Roberto Fabrique Jr. na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa kanilang mga partner upang maresolba ang mga isyu at iginiit na wala silang nilalabag na anumang patakaran.— Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News