Siyam na tao ang nasawi matapos mahulog sa bangin ang isang mini dump truck sa Bayawan, Negros Oriental nitong Miyerkoles ng umaga.
Ayon kay Negros Oriental Police Provincial Office director Police Colonel Timmar Alam, pabalik na sa city proper ang LGU-operated dump truck nang mawalan ng kontrol ang driver sa sasakyan at mahulog sa bangin sa Purok 4, Barangay Kalamtukan.
“Pagkagaling po ng isang dump truck operated by the LGU ng Bayawan City, pabalik na sana sila ng city proper. Pagdating sa Purok 4, Barangay Kalamtukan, isang mountainous area ng Bayawan City, nag-overshoot po at nahulog sa bangin,” sabi ni Alam sa mga mamamahayag.
???????????????????????????? ???????? ????????????????????????
— DZBB Super Radyo (@dzbb) February 4, 2026
9 na tao, patay matapos mahulog sa bangin ang isang mini dump truck sa bahagi ng Brgy. Kalantukan sa Bayawan City, Negros Oriental. | via @SurfaceCarlo pic.twitter.com/EGIYz1yv6d
May karga ang truck ng limang container ng crude oil at mga electrical supplies nang mangyari ang sakuna.
Ayon kay Bayawan City Police Station chief Lieutenant Colonel Joeson Parallag, nangyari ang insidente dakong 11 a.m. at kaagad silang rumesponde.
Isinugod sa ospital ang mga biktima pero idineklara na sila ng duktor na dead on arrival.
Sinabi ni Parallag na mga tauhan ng City Agriculture Office ang mga biktima na naghahatid ng mga krudo para sa heavy equipment na nasa kabundukan.— Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

