Muling sumiklab ang tensyon sa Dupax del Norte sa Nueva Vizcaya dahil sa patuloy na pakikibaka ng mga residente na pigilan ang isang banyagang mining company na magsagawa ng isang exploration. Ang Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources, inilahad ang kanilang panig.

Sa ikalawang bahagi ng “Protesta sa Mina” ng Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabing muling nagkagulo noong Enero 23 sa Barangay Bitnong nang magkagirian ang mga residente, ang pulisya at ilang empleyado ng Woggle Corporation, ang kumpanyang nagsasagawa roon ng mining exploration.

Nasa lugar din ang ilang tauhan ng korte para isilbi at ipatupad ang Writ of Preliminary Injunction, o utos ng korte na buwagin ang mga barikadang inilagay ng mga residente.

Sa pamamagitan nito, patuloy ang exploration sa lugar para sa posibleng minahan na itatayo roon. Pero ang mga residente, mariin ang pagtutol sa takot na mapinsala ang kalikasan at masira ang kanilang kabuhayan.

Sa gitna ng negosasyon, nagkaroon ng tulakan, ilan ang dinampot ng pulis at ilan pa ang nawalan ng malay. Sa huli, pito ang dinakip at ikinulong sa police station, anim sa kanila, mga babae.

Hindi pa man nag-uumpisa ang pagmimina, ramdam na umano ng mga residente ang epekto ng isinasagawang exploration na nakasisira na sa kanilang mga pananim.

Ang magsasakang si Janele Velano, muntik nang ikulong dahil kasama siya sa human barricade.

“Nandu’n lang kami, nakaupo. Hinatak ‘yung kamay namin. Hinatak nila 'yung aking paa. Nahubaran na yata ako or ano. Hinatak nila ako tapos nakawala na ako roon sa mga pulis na humahatak ng aking paa. Wala sa akin ‘yun ma'am. Ang gusto ko lang kasi hindi matuloy 'yung mining,” sabi ni Velano.

“Masisira ang aming natural resources, 'yung aming kabundukan, 'yung tubig puwedeng mawawala, puwedeng ma-contaminate din, magkaroon ng water pollution,” dagdag ni Velano.

Si Analiza Balliao naman, muntik nang mawalan ng malay. Isa siya sa pitong dinakip ng mga pulis at sinampahan ng kasong contempt of court o paglabag sa utos ng korte, obstruction of justice at resistance and disobedience to persons in authority.

Tatlong araw ikinulong ang mga hinuling residente. Habang nakadetine, nag-seizure ang anak ni Balliao.

Kalaunan, ibinasura rin ng korte ang mga isinampang kaso laban kina Balliao kaya nakalaya rin sila.

Taong 2022, nang magsumite ng Exploration Permit Application ang Woggle Corporation sa Mines and Geosciences Bureau ng DENR para magmina ng ginto at tanso sa Dupax del Norte.

Agosto 2025 nang ilabas ang Exploration Permit na nagpapahintulot sa kumpanya na mag-explore sa limang mga barangay sa Dupax del Norte upang alamin kung may nakukuhang mina sa mga lugar.

Pero giit ni Florentino Daynos II, presidente ng Anti-Mining Group-DDN, walang nangyaring ganap na konsultasyon sa kanilang mga residente.

“Ang ginawa nila, halimbawa po dito mismo sa Purok Keon na ito, nagkaroon ng presentation pero nu'ng kakain na po sila, kumuha sila ng listahan daw ng mga kakain. Pero 'yun na 'yung ginamit nila. Panlilinlang 'yan kasi walang actual genuine public consultation po na nangyari talaga,” sabi ni Daynos.

Kaya sa kasalukuyan, mas pinaigting pa ng mga nagpoprotesta ang kanilang mga barikada. Bukod sa pagharang sa entrada, gumawa rin sila ng mga malalalim na hukay para hindi mapasok ang mga makinang papunta sa exploration sites.

Taong 2020 nang magka-landslide sa tatlong sitio na sakop ng Barangay Runruno sa bayan ng Quezon sa Nueva Vizcaya sa kasagsagan ng bagyong Ulysses. Sampu ang naiulat na namatay.

Ayon sa barangay, sakop umano ng mining tenement ng FCF Minerals Corporation, isang large-scale mining na nag-ooperate sa lugar mula pa noong 2016, ang pinangyarihan ng landslide.

Matuklasan noong ang FCF Minerals, subsidiary ng kumpanyang Metals Exploration PLC na nakabase sa United Kingdom kagaya ng Woggle Corporation. Affiliate ng kumpanya ang Woggle Corporation.

Ang lawak ng mining exploration site ng Woggle Corporation, nasa mahigit 3,000 hectares ang sakop din ng Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) ng FCF Minerals.

Sinubukan ng KMJS na makuhanan ng pahayag ang DENR. Pero busy umano ang kalihim nito na si Raphael “Popo” Lotilla na “busy” kaya inirekomenda na sa Mines and Geosciences Bureau na lamang humingi ng interview.

“Ano naman gagawin sa amin ‘pag hindi kami tumanggap ng application? Nasa batas 'yung pagtatanggap ng application. Kami rin ang kakasuhan ng mga aplikante natin. We assure in the region that the issuance is nasa proseso naman siya,” sabi ni Engineer Mario Ancheta, Regional Director ng MGB Region II sa MGB.

“Na-consult naman ‘yan. The evaluation documents submitted in our office, we deemed it proper because it was signed by the barangay captain, sealed and originally signed by the barangay captain,” sabi pa ni Ancheta.

Taliwas ito sa sinasabi ng mga residente.

“Naghikayat sila ng maraming tao na sabi nila may watwatan (pakain) daw sa barangay hall. Pinapirma kami para alam nila 'yung papakainin nila. 'yun pala ang gagawin nilang consultation,” sabi ng magsasakang si Rodolfo Compay.

Depensa ng MGB na sa kaso ng FCF Minerals, bagama’t nahukay at napatag na ang mga bundok na sakop ng permit ng kumpanya, sumasailalim naman daw ang mga ito sa tinatawag nilang rehabilitation, at inaayos ang mga nasirang parte ng bundok.

Tungkol naman sa landslide noong 2020 sa barangay Runruno, sinabi ni Ancheta na punong-puno ang Runruno noon ng small scale miners.

“‘Yung mga old tunnels ng small scale miners, binabalikan nila at pinapasok. Eto may bagyong lupa, o ‘di anong nangyari, tatapunan sila doon. Pero that is, di naman sa eksaktong operation ng Runruno. Although part of the area, pero hindi part of the operation ng FCF,” sabi ni Ancheta. – FRJ GMA Integrated News