Nabalot ng takot ang isang magbabarkada dahil sa gitna ng kanilang kasiyahan sa isang madaling araw, nahagip sa video ang isang lalaking pugot na naglalakad habang sumasayaw ang katropa nilang babae sa kalsada sa Antipolo, Rizal. Ang grupo, sinabing kilala nila ang lalaking pugot, na dalawang buwan na umano ang nakalilipas nang pumanaw. Tama kaya ang hinala nila?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinuro ni Ceejay Padilla, kumuha ng video, ang kalyeng pinaglakaran umano ng lalaking pugot sa Barangay Inarawan.

Kinunan niya ang video ng 4:03 a.m. kung saan wala nang mga tao at sasakyan sa kalsada.

Ngunit ang kaibigan nilang si Craig Jan Aguas, sinabing kilala niya ang lalaking pugot na walang iba kundi ang yumao niyang partner na si Mark.

“Alam ko 'yung hubog ng katawan niya, kung paano siya maglakad. 'Yung jacket, akin 'yun. ‘Yung white na 'yun, 'yun 'yung couple namin na t-shirt. Tapos 'yung pants na 'yon, 'yun 'yung madalas niyang laging sinusuot,” sabi ni Craig.

“Kinilabutan ako. Umiiyak ako kasi ang tagal ko na siya kasing hindi nakikita. Tapos doon... Doon siya sa video magpapakita. Alam ko na siya 'yun,” emosyonal na sabi ni Craig.

Naitabi pa ng ina ni Mark na si Aireen Bazar ang mga damit ni Mark, na kagaya ng suot ng lalaking pugot sa video.

“Nagulat ako, umiyak ako. Tugmang-tugma po 'yun doon sa… huling nakita ko siya nakadamit nang gano'n. Sabi ko, bakit makalipas ang 40 days, bakit gano'n pa rin? Parang sariwa pa rin 'yung mga nangyayari. Ano ang mensahe na gusto niya iparating sa akin?” sabi ni Aireen.

Bago nito, apat na taong naging partner ni Craig si Mark.

Setyembre noong nakaraang taon nang maging ahente si Mark ng sasakyan at binubuwenas pa. Pero makalipas lang ang ilang linggo, bigla siyang nagkaroon ng pabalik-balik na sakit sa ulo.

“Napapansin ko siya. Parang meron na siyang mga jerky movement. Tapos hanggang sa maya-maya, bigla siyang magsasalita ng mga parang hindi ko maintindihan na salita. Inaalog-alog ko pero hindi pa rin siya nagigising,” sabi ni Craig.

“Bigla siyang dumilat. Parang nanlilisik na 'yung paningin niya. Nakangiwi na parang na-stroke,” dagdag ni Craig.

Nang madala sa ospital, lumabas na normal naman ang resulta ng CT scan kaya na-discharge si Mark. Pero sa pagdaan ng mga araw, mas lalo pang lumubha ang kaniyang kondisyon.

“Kahit ako, hindi niya na po ko nakikilala. ‘Yung mama niya hindi niya nakikilala,” sabi ni Craig tungkol sa dating partner.

Nobyembre nang ma-comatose na si Mark. Nobyembre 29 o 18 araw bago ang nakatakda sana niyang ika-27 kaarawan, tuluyan nang binawian ng buhay si Mark.

Hanggang sa maalala nila ang sinabi noon sa kanila ng albularyo na isang babae ang may kagagawan ng pagkamatay ni Mark. Hinala nila, ang tinutukoy ng albularyo ay ang babaeng figurine na binili ni Mark, na siya rin pinaniniwalaan nilang nagdala noon ng suwerte sa kaniya.

Ito ay walang iba kundi ang “Buena Fortuna” na nagdadala ng suwerte, pero sinasabi ring may kapalit na dalang malas, ayon sa ilang mga nakabili nito.

Matapos kasing mabili ni Mark ang Buena Fortuna noong Hunyo 2025, dumami ang mga customer ng kanilang sari-sari store, at napagawa agad niya ang kanilang bahay, at buwenas din siya sa trabaho.

Pero ang bawi sa sunod-sunod na suwerte, ang pagkakasakit ni Mark, na nagpalipat-lipat ng ospital, hanggang sa kaniyang pagpanaw. Ang mga naipon, naubos din dahil sa pagpapagamot.

Ayon pa sa pamilya, makailang beses din umanong nagparamdam kay Mark ang Buena Fortuna.

“Sinabi niya na, ‘Ma may nakikita ako diyan sa bahay.’ Babae daw na mahabang buhok. Tumutugma doon sa figurine na 'yun,” sabi ni Aireen.

Tunghayan sa video ng KMJS ang paliwanag ng isang eksperto tungkol sa video ng lalaking pugot, at kung sino nga ba ang taong nakuhanan ng video na tila pugot  ang ulo. Panoorin.—FRJ GMA Integrated News