Naalarma ang mga empleyado sa isang gas station sa Amlan, Negros Oriental nang kunin ng isang lalaki ang nozzle sa gas pump at isaboy ang gasolina sa sahig. Pati ang rumespondeng pulis, binuhusan niya.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente noong gabi ng February 2, 2026.

Sa CCTV footage ng gasolinahan, makikita ang pagdating ng suspek at kinuha ang nozzle sa gas pump at nagsaboy ng gasolina sa sahig. Nang sitahin siya ng mga kawani ng gas station, tinangka niyang sabuyan din ng gasolina ang mga ito.

Ilang saglit lang, dumating na ang isang pulis na hindi nakaiwas at nasabuyan ng gasolina.

Kaagad namang hinawakan ng pulis ang nozzle hanggang sa magpambuno sila ng nakatumbang suspek.

Tumulong na rin sa pag-aresto ang isa pang pulis.

Ayon sa San Jose Municipal Police Station, suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo ang 29-anyos na lalaki na residente sa bayan ng San Jose.

Idinagdag pa ng pulisya na binalak din ng suspek na saksakin ang may-ari ng motorsiklo.

Rumesponde kaagad sa insidente sina Police Staff Sergeant PJ Adam Caparas at Police Corporal Rohenio Carbo, at nabawi ang motorsiklo mula sa suspek.

Mahaharap ang suspek sa mga reklamong carnapping, resistance at disobedience sa mga awtoridad.

Idinagdag ng pulisya na maayos ang lagay ni Carbo na nasabuyan ng gasolina sa mukha.

Sinubukan naman ng GMA Regional TV Balitang Bisdak pero nabigo na makuhanan ng pahayag ang suspek na San Jose Municipal Police Station.—FRJ GMA Integrated News