Dalawa pang suspek sa pagpatay sa isang pulis na inilibing sa bakuran ng isang bahay sa Malolos, Bulacan ang sumuko sa awtoridad.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang pulisya sa nangyaring pagsuko habang pagtuloy ang pag-asikaso nila sa kaso.
Apat na suspek na ang nadakip kaugnay sa nangyaring pagpatay kay Police Staff Sergeant Renato Casauay, na nakita ang bangkay sa bakuran ng isang bahay ilang araw matapos siyang mawala.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng may kinalaman sa trabaho ng pulis ang motibo sa ginawang pagpaslang sa kaniya.
Nitong Martes, inanunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may P1 milyong pabuya sa sino mang makapagtuturo ng kinaroroonan ng iba pang suspek, lalo na ang bumaril sa biktima.— FRJ GMA Integrated News
