Ibinasura ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa "insufficient in substance" o kakulangan ng basehan para ipagpatuloy ang pagtalakay sa usapin.
Sa botohan sa unang impeachment complaint na inihain ng abogadong si Andre de Jesus, 42 kongresista ang bumoto na ibasura ito, isa ang tumutol, at isa ang hindi bumoto.
Samantala, sa ikalawang reklamo na inihain ng Makabayan coalition, pinagbotohan ito na ideklarang sapat sa sustansiya pero 39 na kongresista ang tumutol, at pito lang ang pumabor.
Nagsasaad sa dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Marcos na:
- Sa reklamong inihain ni De Jesus, inaakusahan niya si Marcos ng pagtataksil sa tiwala ng publiko at paglabag sa Konstitusyon, bukod sa iba pa, dahil sa umano’y pag-utos at pagpapahintulot sa pagdukot at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC); kasama rin ang paratang na gumagamit ang pangulo ng ilegal na droga na nakaaapekto sa kaniyang pamumuno sa bansa; at sa kabiguang i-veto ang mga unprogrammed appropriations at iba pang probinsiyon na labag sa Konstitusyon sa pambansang budget para sa 2023, 2024, 2025, at 2026, at iba pa.
- Sa reklamong inihain ng Makabayan bloc, nakasaad naman na nagkasala ang pangulo ng pagtataksil sa tiwala ng publiko dahil sa pagpapatupad ng Baselined-Balanced-Managed (BBM) Parametric Formula sa paglalaan ng mga proyektong pang-imprastraktura na umano’y nagresulta sa mga “ghost,” substandard, at over priced na flood management projects, at iba pa.
Iginiit ng mga nag-endorso ng ikalawang impeachment complaint, na hindi umano maikakaila ang pananagutan ng Pangulo sa problema sa flood control dahil malinaw na taglay ng polisiya ang kaniyang marka na BBM at nangyari ito sa ilalim ng kaniyang panunungkulan.
“Ang formula na ito ay di lang nakapangalan o nakapalayaw sa acronym ng Pangulo na BBM, pero siguradong dumaan din sa mata ni Pangulong Marcos Jr. at pinangasiwaan taon-taon. Meron pa nga pong declaration si incumbent DPWH Secretary Vince Dizon that they will phase out the Cabral Formula in the future NEP preparations. Pumaldo dahil pinadulas ng DPWH sa ilalim ng Pangulo ang sistema ng nakawan na nakatago mismo sa proseso ng pagbubudget ng pondo ng bayan. Nakakasira sa tiwala ng publiko ang pag-imbento ng isang modus operandi na nagbigay daan sa nakawan sa kaban ng bayan. This is an impeachable offense,” ayon kay Kabataan party-list Rep. Renee Co, patungkol sa DPWH policy Baselined-Balanced-Managed (BBM) Parametric Formula na nagsasaad na “priorities of the leaders of the national government and the legislature will also be considered in the matter of infrastructure budgetary allocations."
“This BBM formula legitimized political patronage at corruption. The policy considered ‘priorities of leaders’. Ibig sabihin, ang pambansang badyet ay hindi ayon sa pangangailangan ng mamamayan, kundi ayon sa gusto ng mga nasa kapangyarihan,” sabi naman ni Gabriela party-list Rep. Sarah Elago.
Bago ang botohan, sinabi ni House justice panel chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro na ang pagtukoy sa sapat na substansiya ng isang reklamong impeachment ay hindi nakabatay sa teorya ng mahigpit na pananagutan sa pamamahala.
“The official is not constitutionally impeachable simply because wrongdoing is alleged somewhere in the bureaucracy or because a policy decision is later criticized or questioned. To hold otherwise would collapse the careful constitutional design and render every official perpetually vulnerable to impeachment based on suspicion alone,” ani Luistro.
“At the same time, the committee recognizes that impeachment exists precisely to address serious abuses of power where a complaint alleges with clarity, specificity, and factual grounding that the official committed a grave breach of public trust. Our proceeding today is intended to test the legal sufficiency of the complaint, not their popularity, not their rhetoric, not their political appeal,” dagdag niya.
Nauna nang inaprubahan ng komite na sufficient in form ang dalawang reklamo. — Llanesca T. Panti/FRJ GMA Integrated News
