Taong 1642 nang itayo ng mga Espanyol ang Faro y Luces del Río Pasig o ang Parola ng Binondo sa Maynila, na siyang pinakaunang parola sa Pilipinas. Kumusta na kaya ang kalagayan nito, at makikita pa rin kaya sa kinatatayuan nito ang orihinal na istruktura? Alamin.

Sa dokumentaryong “Paalam, Parola” ni Kara David, sinabing isang puting tore sa bukana ng Ilog Pasig ang Parola ng Binondo, at unang makikita kung papasok sa siyudad ng Maynila.

Ang parola rin ang nagsilbing gabay noon ng mga malalaking galyon na galing Mexico, at unang sumasalubong sa mga bisita ng Maynila.

Makaraan ang 300 taon, makikita pa rin ang isang parola sa bungad ng Maynila, ngunit may pagkakaiba na sa hitsura nito.

Sa isang larawang kuha noong 1946, o dalawang buwan bago matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nanatiling nakatayo ang orihinal na parola, na hindi natinag ng mga bomba.

Gayunman, 1992 nang gibain na ang parola ng lokal na pamahalaan ng Maynila.

“Noong year 1991, it was affected ng sunog. So, ‘yung structural integrity affected. So, by 1992, it was totally demolished and then reconstructed,” sabi ni Lieutenant Junior Grade Charl Dominic Malolot, OIC AIDS to Navigation ng Maritime Safety Services Unit National Capital Region-Central Luzon.

Taong 1992 din nang magtayo ang Philippine Coast Guard ng isang bagong parola sa lugar pero hindi na kasing laki ng naunang parola.

“Dahil sa pag-boom ng mga technologies, first to promote the safety ng mga vessels, they have to come up tulad ng GPS, AIS, or other electronic navigational charts. Pero ang sea lighthouses, ginagamit pa rin naman natin. Mine-maintain pa rin ng Philippine Coast Guard. And as of now, it is still operating,” sabi ni Malolot.

Matatagpuan din sa kinatatayuan ng bagong parola ang isang lumang kanyon at ilang piraso ng bato, na mga naiwang alaala mula sa lumang parola.

Pag-akyat sa tuktok ng tore, matatanaw na ang bukana ng Manila Bay.

Noong 1920s, gasera pa ang ginagamit pang-ilaw sa parola. Pagsapit ng 1970s, nauso na ang mga generator. Ngayon, pinaiilaw na ang bagong parola ng solar-powered batteries. – FRJ GMA Integrated News